Ni: Dave M. Veridiano, E.E.
SA tila walang katapusang batuhan ng bintang kung sino ang may bilyones na deposito sa mga bangko sa pagitan nina Pangulong Rodrigo R. Duterte at Senador Antonio Trillanes – sino ba ang masayang PANALO at ang pobreng TALUNAN?
Ang tahasang sagot ko ay ang mamamayang Pilipino ang TALUNAN dahil ang dapat na haraping mga problema sa bansa -- ilan lang dito ang usad-pagong na trapiko at araw-araw na pagtirik ng MRT at LRT -- ay ‘di napapansin upang mabigyan agad ng solusyon. Samantalang ang masayang PANALO rito ay ang “intelligence broker” na kumita ng milyones sa ibinenta nitong impormasyon – na panira lamang sa pagkatao ng liderato – sa nagpapatutsadahang magkabilang kampo!
Magkakaiba naman ang pananaw ng kahuntahan kong mga driver ng UV Express sa terminal sa Cubao, na habang naghihintay makapuno ng pasahero ay nagbabasa ng balita sa cell phone – sa palagay nila ay “depende kung sino sa magkabilang kampo ang kausap mo!”
Sa opinyon ng medyo mas bata sa grupo ay umiskor ang kampo ni DU30, nang sabihing NAKURYENTE ang Ombudsman sa inilabas nitong bank account ng Pangulo na galing umano sa imbestigasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Mariin kasing itinanggi ng AMLC na sila ang pinanggalingan ng mga sinasabing dokumento at mga bank account ni DU30.
Dagdag pa nito ay nagkakulay pulitika pa tuloy ang paglutang ni Overall deputy Ombudsman Melchor Carandang, ang inginusong umano’y pinanggalingan ng mga dokumentong ipinangalandakan sa media ni Trillanes. May masamang motibo raw ang pagsasabwatan nina Trillanes at Carandang na isang appointee ni dating Pangulong Aquino at kamag-anak ng Carandang na may “importanteng papel” noong nakaraang administrasyon…sa madaling salita, malinaw umano na ang kutsabahang ito nina Carandang at Trillanes ay upang sirain si DU30. Dagdag pa rito ay ‘di raw dapat pagkatiwalaan si Carandang na dati nang sinampahan ng kasong robbery extortion laban sa isang finance officer ng militar.
Ayaw patalo nitong pinakamatanda sa grupo. Sabi nito, kapag ang kausap ay kampo ni Trillanes, ito ang PANALO – una, dahil napatunayan nitong walang bank account sa pangalan niya nang personal itong magtungo sa ibang bansa na may kasama pang mga taga-media, at harapang itanggi ng mga empleyado ng bangko na may account si Trillanes doon. Ikalawa, nang sabihin ni DU30 na imbento niya lamang ang ibinulgar na mga bank account. At ang huli, ang ipinahayag ng Ombudsman na may hawak silang dokumento na magpapatunay sa sinasabing bilyones sa mga bank account ni DU30. Sa kabuuan, ang urong-sulong na paliwanag ni DU30 hinggil sa kontrobersiyal na deposito ang nagpawala sa kredibilidad ng akusasyon nito kay Trillanes.
Ang naglalaro naman sa aking isipan, habang umiinit ang balitaktakang ito hinggil sa kung saan at paano hahanapin ang bilyones na deposito sa mga bangko ng dalawang kampo – nasisiguro ko kasing nagpapasarap sa milyones na KINITA ang babaeng pinanggalingan ng mapanirang impormasyon.
Kuwento ng kaibigan kong beteranong tiktik ng pamahalaan, ipinasa raw ng babae ang “intel info” sa dalawang aktibong heneral na kaibigan nito upang “ibenta” sa mga counterpart naman nila sa dalawang nagbabangayang kampo... ng mga pulitiko…sa tindi kagustuhan na mapuntusan ang isa’t isa, agad pinatulan ang mapanirang impormasyon at ipinambato ng magkabilang panig.
Nakalulungkot isipin na sa kabila ng mga problemang nagpapahirap sa sambayanang Pilipino…ang mga inihalal nating pinuno ay pinipili pang gumastos para lamang makabili ng mga mapanirang impormasyon na ipandudurog sa reputasyon ng kanilang kalaban sa pulitika…sa halip na gamiting pandagdag na lamang sa kakarampot na pantawid-gutom ng nakararaming nagdarahop nating kababayan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 0936-9953459 o mag-email sa: [email protected]