Ni: Manny Villar

AYON kay Theodore Roosevelt, ang pinakamabuting pinuno ay marunong pumili ng magagaling na tauhan upang gawin ang gusto niya at hindi niya pinakikialaman ang mga ito habang gumagawa.

Ang pamumuno ay hindi tumutukoy sa mga taong may mga katangiang nangingibabaw sa iba kundi sa pagkakamit ng isang layunin kasama ang ibang tao na may katulad na hangarin.

Dahil dito, mahalaga ang pagpili sa tamang tao para sa isang gawain. Ito ang isa pang mahalagang katangian ng isang mabuting pinuno: ang kakayahan na mamili ng tamang tao para sa tamang trabaho.

Nang magsimulang lumaki ang aking negosyo, nangailangan ako ng mga tao upang tumulong sa pagpapatakbo nito nang maayos. Personal kong pinili ang marami sa kanila, at ipinagmamalaki ko na karamihan sa aking mga tauhan ay nakasama ko sa maraming dekada, katunayan ng kanilang katapatan at ang katotohanan na sila ang tamang lalaki at babae para sa trabaho.

Nakatulong ko rin ang mga tauhan ko sa Camella Homes nang tumakbo ako sa pagka-kongresista sa noon ay distrito ng Las Piñas-Muntinlupa. Alam nila kung paano isusulong ang isang ideya o plataporma sa pulitika at kung paano makikiharap sa mga tao. Kaya nga naging matagumpay ang pagpasok ko sa pulitika.

Mahalaga na pagtiwalaan ang inyong mga tauhan upang maiatang sa kanila ang paggawa ng mga desisyon, dahil hindi maaaring sarilinin ang paggawa ng lahat ng bagay. Mahalaga rin na bigyan sila ng kapangyarihan upang matiyak na tuluy-tuloy ang pamamahala sa kumpanya o organisasyon.

Hindi totoo na ang mahuhusay na pinuno ay takot kumuha ng mga taong mas matalino kaysa kanila. Ang pagnanais na siya lamang ang sumikat ay tanda ng kawalan ng tiwala sa sarili. Ang mabuting pinuno ay marunong kumilala at magbigay ng gantimpala sa mga tauhan niya.

Naging pinuno ako ng Mababa at Mataas na Kapulungan sa Kongreso ngunit kung pag-uusapan ay relasyon sa iba pang miyembro ng Lehislatura, hindi ko itinuring na mas mataas ako kaysa kanila. Lahat kami ay inihalal ng taumbayan.

Walang mataas kaysa kaninuman, bagamat ang aking posisyon ay itinuturing na primusinter pares, o una sa magkakapantay.

Ibig sabihin nito ay pangunahan ang mahigit na 200 miyembro ng Mababang Kapulungan na may kanya-kanyang agenda, personalidad at ugali. Mahirap magkaroon ng pagkakasundo sa mga isyu, ngunit mapalad ako na makasama ang mga mambabatas sa isang malaya at produktibong Kongreso na nagpatalsik sa isang pangulo. ... Totoo na natututuhan ang pamumuno ngunit totoo rin na may mga taong isinilang upang maging pinuno; may mga katangian sila na umuunlad sa pagdaan ng panahon. Marami tayong nakilalang negosyante na walang pagsasanay sa pamumuno ngunit pinangunahan ang kanilang mga kumpanya sa rurok ng tagumpay.

Ang pinakamahalaga ay ang paniniwala sa sarili na maging isang pinuno. Sa pamamagitan ng sipag at tiyaga ay magagawang maging pinakamabuting pinuno. Huwag masiyahan sa maliliit na bagay; bagkus ay hangaring lagi ang pinakamataas. Masasabi mong nagtagumpay ka kapag ang iyong organisasyon ay nagkaroon ng kultura ng kahusayan.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph)