Ni: Bella Gamotea at Leonel Abasola

Tatlong bilang ng paglabag sa Anti-Wiretapping Law ang isinampa ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II laban kay Senator Risa Hontiveros sa Pasay City Prosecutor’s Office, kahapon ng umaga.

Personal na nagtungo sa tanggapan ni Assistant Prosecutor Johari Tolentino, dakong 8:00 ng umaga kahapon, si Aguirre upang panumpaan ang complaint affidavit niya para sa inihaing tatlong bilang ng paglabag sa RA 4200, o Anti-Wiretapping Law laban sa senadora.

Ito ay kaugnay ng pagsasapubliko ni Hontiveros ng larawan ni Aguirre na may ka-text habang nasa kasagsagan ng pagdinig sa Snado.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Makikita sa larawan ang mga text message ni Aguirre kay dating Congressman Jing Paras, na pinamamadali ang paghahain ng mga kaso laban kay Hontiveros.

Hinamon din ni Aguirre si Hontiveros na ilabas ang photographer na kumuha ng nasabing larawan.

Ayon pa sa kalihim, maghahain siya ng reklamo sa Ethics Committee ng Senado at magsasampa ng hiwalay na civil case sa Pasay City Regional Trial Court (RTC) laban kay Hontiveros, matapos mabatid na hindi saklaw ng Office of the Ombudsman ang kasong kanyang inihain, na dapat ay sa civil court.

“Maaaring matanggal sa puwesto si Hontiveros dahil sa ginawa niyang paglabag sa RA 4200,” ani Aguirre.

Para naman kay Hontiveros, desperado na si Aguirre at inililihis nito ang isyu para makakuha ng atensiyon.

“This is the real issue here. Secretary Aguirre was caught conspiring and instigating private individuals to file cases against a sitting Senator inside the Senate. Hindi rin naman itinatanggi ni Secretary Aguirre ang text conversation. Huwag na tayong magpaligoy-ligoy pa, Secretary Aguirre,” ani Hontiveros.

“Mr. Secretary, it’s already game over. Tapos na ang boksing. Bistong-bisto ka na. Buko ka na. Tama na ang pagpapalusot. Tama na ang pagtatago sa mga pekeng kaso. Panahon na para lisanin mo ang posisyon na lubos na dinungisan mo,” giit pa ni Hontiveros.