Ni: Fer Taboy
Tinatayang aabot na sa 62 ang nasawing miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF), habang 27 naman sa panig ng militar at ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), sa pinaigting na opensiba laban sa mga bandido, sa Central Mindanao.
Pito sa nasawi sa panig ng gobyerno ang sundalo, habang 20 naman ang mula sa MILF.
Sa nasabing report, tinukoy din na siyam sa BIFF ang naaresto sa operasyon ng militar.
Bukod dito, nasa 28 improvised explosive device (IED) at walong baril ang narekober sa operasyon ng militar simula nang sumiklab ang bakbakan sa Maguindanao ilang buwans na ang nakalipas.
Batay sa datos ng militar, Pebrero 20, 2017 pa nagsimula ang joint security operations ng Armed Forces of the Philippines at MILF laban sa paksiyon ng BIFF, na pinamumunuan ni Esmael Abdul Malik, alyas “Abu Toraype”.
Sinabi ni Maj. Gen. Arnel Dela Vega, commander ng Joint Task Force-Central Mindanao, na ilan sa mga lugar na sinuyod ng operating team ang mga bayan ng Shariff Saydona Mustapha at Datu Salibu.