Ni: Light A. Nolasco
TALAVERA, Nueva Ecija – Arestado ang isang barangay chairman at tatlong iba pa sa pagkakasangkot sa droga at ilegal na sugal sa magkasunod na operasyon sa Talavera, Nueva Ecija.
Sa ulat ni Supt. Joe Neil E. Rojo, hepe ng Talavera Police, kay Mayor Nerivi Santos-Martinez, nakilala ang mga naaresto na sina Ruben Francisco Beltran, 52, chairman ng Barangay Minabuyok; Ronnel Uyaoy Roxas, 27, ng Bgy. Fatima, Cabanatuan City; Edwin Castillo Vergara, 45, ng Bgy. Malasin, San Jose City; at Renan Tabamo Arimbuyutan, 36, ng Bgy. Maestrang Kikay, Talavera.
Nabatid na dakong 8:30 ng gabi nang isagawa ang buy-bust operation ng Nueva Ecija Drug Enforcement Unit (DEU), na pinamunuan ni Senior Insp. Sandro Ortega.
Nasamsam umano mula kay Roxas ang walong transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu at P1,000 marked money.
Nakumpiskahan din umano ang kapitan ng barangay ng apat na sachet ng shabu at isang M16 A1 rifle na may magazine, at may 24 na bala.
Dinampot naman sina Vergara at Arimbuyutan habang nag-o-operate umano ng bet games at drop-ball sa Bgy. Sibul, Sabado ng madaling-araw.