Ni: Bella Gamotea
Halos ma-trauma ang isang babaeng estudyante matapos maranasan ang umano’y sexual harassment sa mga kamay ng isang tindero sa Pateros, kahapon ng madaling araw.
Nanginginig at mangiyak-ngiyak sa takot nang dumulog sa Pataeros Police Station ang biktimang si “Letty”, 17, Grade 12, ng Barangay South Cembo, Makati City upang ireklamo ang suspek na si Mark Fernandez y Bulotao, 29, ng No. 1546 E. Santos Palatin, Pasig City.
Sa ulat na ipinarating sa Southern Police District (SPD), naganap ang insidente sa tapat ng Sizzling ni Patis, B. Morcilla, Bgy. Poblacion, Pateros, dakong 12:30 ng madaling araw.
Nag-aabang ng masasakyan ang dalagita nang sumulpot ang lasing na suspek at bigla umanong hinawakan ang ari ng biktima.
Nagsisigaw ang biktima na nakatawag pansin sa mga istambay sa lugar na naging sanhi ng pag-aresto sa suspek.
Nakatakdang sampahan si Fernandez ng kasong paglabag sa Republic Act of 7610 o Anti Child Abuse Law.