Ni: Liezle Basa Iñigo

MANGATAREM, Pangasinan – Kaagad na namatay ang driver ng ten-wheeler truck, habang anim na iba pa ang nasugatan matapos na salpukin ng truck ang pampasaherong bus, na nauwi sa karambola sa apat na motorsiklo sa Romulo Highway sa Barangay Quetegan sa Mangatarem, Pangasinan.

Batay sa nakalap na report nakilala ang namatay na si John Jovet, na naipit sa driver’s seat ng Fuso 10-wheeler truck.

Nasugatan naman sina Menchie Calza, Jose Claveroun, Jasmine Villareal, Rosan Dagohoy, pawang taga-Bgy. Germinal sa Bolinao, Pangasinan at nakasakay sa mga motorsiklo, samantalang sa truck naman nakasakay ang sugatan ding sina Jaypee Gabalat at Darwin Pradez, kapwa taga-Bgy. Caypombo, Sta. Maria, Bulacan.

National

#WalangPasok: Class suspensions ngayong Biyernes, Sept. 20

Dakong 4:30 ng umaga nitong Biyernes nang huminto ang Five Star upang pagbigyan ang isang tatawid na sasakyan, pero sinalpok ng truck ang bus, at inararo ang apat na motorsiklo.

Kabilang sa mga naaksidenteng motorsiklo ang Raider J Pro 125 (4667-ZP), Honda Wave 100, Honda 155 TMX (TC-2967), at Honda TMX 155 na may tricycle (AE-8415).