Ni: Aris Ilagan

MALILIGO na ba ako o hindi?

Magbibihis na ba ako o hindi?

Papasok pa ba ako o hindi?

Ito ang mga nakatutureteng tanong tuwing gigising sa atin ang malakas na ulan na may kakambal na matinding pagbaha sa ating kapaligiran.

Kung walang anunsiyo sa radyo o telebisyon, manghuhula na lang ba tayo?

Sa isang araw ng matinding pagbuhos ng ulan, lubog na naman sa baha ang Metro Manila at mga karatig lugar.

‘Ika nga: Give credit where credit is due. Hindi ito tungkol sa pagpapautang kundi sa pagbibigay-pugay sa ating mga weather forecaster sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.

Napaka-accurate ang kanilang pagtaya sa magiging lagay ng panahon na agad na napaghandaan ng iba’t ibang sektor ng lipunan, lalo na ang mga eskuwelahan.

Madaling araw pa lang nitong Martes ay kaliwa’t kanan na ang abiso sa pagsususpinde ng klase sa mga paaaralan sa mga lugar na apektado ng bagyong ‘Maring’.

Kaya kung sisipatin n’yo ang mga post sa Facebook, wala na halos ang nakaiinit na ulong pahayag ng mga magulang na naimbiyerna sa atrasadong pagsususpinde ng klase.

Ang mga naipit na lang sa lansangan sa matinding baha ay mga empleyado ng gobyerno at pribadong sektor. Siyempre, kabilang ako sa huli.

Dati, madalas na sablay ang weather forecast ng PAGASA. Subalit iba na ang panahon ngayon. Hindi maikakaila na natauhan na ang gobyerno at naglaan na ng pondo sa PAGASA upang makabili ng modernong kagamitan sa pagtaya ng panahon.

Marami na ang naipuwestong Doppler Radar na siyang nakatutukoy kung gaano katindi ang pagbuhos ng ulan sa mga susunod na araw.

Napakamahal ng sistemang ito subalit kailangang bilhin upang maiwasan ang sakuna tuwing may tumatawid na bagyo.

Nanonood ba kayo ng Formula One race?

Sa prestihiyosong karera ng formula cars na ginaganap sa iba’t ibang sulok ng mundo taun-taon, masasaksihan natin kung gaano kaepektibo ang kanilang ginagamit na weather forecasting system upang makadiskartehan nang tama ang bawat racing team.

Dahil sa computerized weather ... forecasting, batid nila kung ilang minuto o segundo bago dumating ang ulan sa ano mang bahagi ng race track upang sila ay agad na makapagpalit ng gulong sa kani-kanilang Formula One car.

Labing dalawa ang koponan sa Formula One at bawat isa sa kanila ay may ganitong gamit. ‘Ika nga, tatlo beinte singko.

Dahil sa mabilis na pag-usad ng teknolohiya, hindi magtatagal at magkakaroon din tayo ng ganitong kaepektibong sistema sa ating cell phone.

Ano sa tingin n’yo?