Kasabay ng pag-upo ng bagong hepe ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na si Director General Aaron Aquino, pinagkalooban kahapon ng mahigit P5 milyon cash reward ang walong impormante sa ilalim ng Operation Private Eye (OPE) ng PDEA.

Tumanggap ng P5,070,563.73 pabuya ang walong pribadong indibiduwal na iniulat ang illegal drug activities sa kani-kanilang komunidad.

Personal na inabot ni outgoing PDEA Director General Isidro Lapeña ang nasabing pabuya sa mga impormante na kinilala sa mga alyas nilang June, Sakuragi, Kiko, Spotter, Maximus, Excellente, Boi, at Bald Head sa isang simpleng seremonya sa PDEA National Headquarters sa Quezon City.

Dahil sa walong impormante, nakumpiska ang 38,594.10 gramo ng shabu at naaresto ang dalawang katao sa drug operation sa Macapagal Boulevard, Barangay Don Galo, Parañaque City noong Hunyo 14, 2016.

TINGNAN: Listahan ng mga nag-file sa pagkasenador at party-list sa huling araw

Dahil din sa kanila ay nakumpiska ang 101.373 kilo ng shabu at nadakip ang apat na drug personalities sa Annapolis, Greenhills, San Juan noong Disyembre 23, 2016.

Sa Puyat Avenue, Pasay City, nasamsam ng PDEA ang 14,675.963 gramo ng shabu at arestado ang isang drug personality sa entrapment operation sa Roxas Boulevard, Pasay City noong Setyembre 25, 2015.

Pagsapit ng Disyembre 20, 2015 sa Bgy. Bel-Air, Makati City, naaresto ang drug courier at nasamsam ang 4,367.82 gramo ng shabu mula sa kanya.

Sa search warrant naman ng ahensiya noong Disyembre 26, 2016, naaresto ang apat na drug suspect at nakumpiska ang 4,970 gramo ng shabu sa Wilson Street, San Juan City.

Enero 4 ng kasalukuyang taon, umabot sa 3,494 na gramo ng shabu ang nasamsam at naaresto ang 23 drug personalities na nakuhanan ng 1,923.70 gramo ng shabu sa operasyon sa Bayview International Tower sa Roxas Boulevard.

Nakumpiska naman ang 2,024 na gramo ng shabu mula sa isa umanong tulak ng ilegal na droga sa buy-bust operation sa Macapagal Boulevard, Pasay City noong Mayo 17, 2017. - Jun Fabon