Binigyang-diin ni Pasig City Mayor Vico Sotto ang pangangailangang matuldukan na ang politikang nakabatay lamang sa personalidad dahil naniniwala siya sa term limits, ayon sa latest episode ng vlog ni Kapamilya broadcast-journalist Bernadette Sembrano kamakailan.
Sa nabanggit na vlog, sinabi ni Mayor Vico na masusukat lang umano ang bisa ng kaniyang mga ginawa bilang alkalde sa oras na mawala na siya sa puwesto.
“I believe in term limits. Kung talagang effective ‘yong ginawa ko ngayon….ang tunay na test diyan e ‘pag wala na ako. We should stop being too personality-based in our politics and our government,” saad ni Mayor Vico.
Ayon sa kaniya, kahinaan umano ng sistemang pampolitika sa Pilipinas ang kawalan ng malakas na political parties.
“Wala tayong malakas na political parties na ideology-based o issue-based. We’re too personality-oriented. Hindi tayo do’n sa policy. ‘Yon yong nagiging weakness natin, e,” dugtong pa ng alkalde.
Sa kabila nito, hindi naman itinatanggi ni Mayor Vico na naging adbentahe ang kaniyang personalidad para mailuklok siya sa kasalukuyan niyang posisyon sa gobyerno.
Matatandaang si Mayor Vico ay mula sa angkan ng mga artista at politiko. Anak siya ng kapuwa mga artistang sina Coney Reyes at Vic Sotto, na kapatid ni Sen. Tito Sotto at apo ng dating senador na si Vicente Sotto.
Kaugnay na Balita: Mayor Vico, nagsilbing gabay si Sen. Win bilang alkalde