Arestado ang isang Grade 12 student matapos makuhanan ng tinatayang 160 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit ₱1 milyon sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Taculing, Bacolod City noong Biyernes, Hunyo 12, 2026.
Kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang isang 18-anyos na lalaki na kabilang umano sa mga tinuturing na high-value individual sa lungsod.
Isinagawa ng mga operatiba ng City Drug Enforcement Unit (CDEU) ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa umano’y pagkakasangkot ng estudyante sa bentahan ng ilegal na droga.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakumpiska mula sa suspek ang humigit-kumulang 160 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang standard drug price na nasa ₱1.08 milyon. Agad siyang inaresto matapos ang transaksyon sa poser-buyer ng pulisya.
Lumabas din sa imbestigasyon na kamakailan lamang umano nagsimulang magbenta ng ilegal na droga ang nasabing estudyante.
Ayon sa mga awtoridad, sinabi ng suspek na ginawa niya ito upang makatulong sa gastusin para sa pagpapagamot ng kaniyang ina. Nabatid na kumikita umano siya ng humigit-kumulang ₱1,000 sa bawat limang gramo ng shabu na kaniyang naibebenta.
Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang dokumentasyon at paghahanda ng mga kasong isasampa laban sa kaniya sa ilalim ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pinagmulan ng mga nakumpiskang ilegal na droga at kung may iba pang indibidwal na sangkot sa operasyon.