Ni: Marivic Awitan
MATAPOS ang karanasan na makalaro sa Thailand pro league, dadalhin ni National Team mainstay Alyssa Valdez ang talento sa Chinese-Taipei bilang reinforcement.
Sa panayam ng dating teammate na si Gretchen Ho , sinabi ng dating UAAP 3-time MVP at Premier Volleyball League 4-time MVP ang pagpirma niya ng kontrata para maglaro sa Attack Line.
Ayon kay Valdez, noon pang 2015 siya unang alukin ng naturang club team upang maglaro sa kanila matapos makita ang kanyang laro sa AVC Under-23 tournament sa Manila.
Tumanggi siya noon sa nasabing offer dahil may natitira pa siyang isang taon para maglaro sa UAAP.
Noong nakaraang buwan, muli syang inalok ng koponan nang magkita sila sa AVC Seniors Championship na ginanap sa Biñan, Laguna.
“Exciting talaga kasi first time ko din sa Chinese Taipei,” pahayag ng 24-anyos na si Valdez.
“I’m excited not only for volleyball, but to experience another culture in Chinese Taipei.”
Magtutungo si Valdez sa Taipei sa susunod na buwan at mananatili doon hanggang Disyembre.
Ito na ang pangalawang pagkakataon na lalaro si Valdez bilang import sa ibang bansa kasunod ng naging stint nya sa Thailand para sa koponang 3BB Nakornonnt noong isang taon.