Tatlong ahensiya ng gobyerno ang planong buwagin ni Pangulong Duterte dahil sa mga alegasyon ng kurapsiyon.

Tinukoy ng Pangulo ang dalawa sa tatlong aniya’y corruption-prone agencies, ang Road Board at ang Sugar Regulatory Administration (SRA), at humingi ng tulong sa Kongreso upang tuluyan nang lusawin ang mga nabanggit na ahensiya.

“‘Pag hindi mo na-control ang corruption sa gobyerno, walang mangyayari sa buhay na ‘to, kaya talagang hihiritan ko,” lahad niya sa Mindanao Business Conference sa Cagayan de Oro City nitong Sabado.

“When I go back next week, I will abolish one to three agencies. ‘Yung Road Board, they have to go. ‘Yung Sugar Regulatory Board, I will abolish it. Just place it in an office,” dagdag pa niya.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Sinabi ni Duterte na isa sa mga opisyal ng ahensiya ang tumanggap umano ng tatlong consultant, at binabayaran ang mga ito ng tig-P200,000 kada buwan, na inamin niyang mas malaki pa sa sinasahod niya bilang Pangulo.

Inihayag din ng Pangulo na hahayaan niya ang Kongreso na umasikaso sa pagbubunyag sa mga ahensiyang nabanggit, upang mapunta sa iba pang proyekto ang pondo ng mga ito.

“I will abolish them. I will suggest to Congress na i-abolish na. You better… pati ‘yung pera lahat, isauli mo sa Congress. Let Congress decide,” saad niya.

Binanggit rin ni Duterte na aapela siya sa Kongreso na maging “sparing in creating offices.”

“Marami akong bagahe eh. Corruption dito, corruption doon,” aniya. “And I have soldiers who are wounded seriously. Kulang ako sa pera, and then the guys there, consultants being paid 200 (thousand pesos). Magku-coup d’etat ‘yang mga ‘yan, tingnan mo,” dagdag pa niya.

Una nang inendorso ni Speaker Pantaleon Alvarez ang abolisyon sa Road Board, at sinabing nasa P90 bilyon sa kita ng bansa ang napupunta lang sa graft at kurapsiyon. - Genalyn D. Kabiling