Ni: Reggee Bonoan
MALAPIT nang mamaalam ang Mulawin vs Ravena na katapat ng La Luna Sangre na ang ipapalit ay ang programa ni Marian Rivera na kaibigan ni Angel Locsin.
Kaya tinanong si Angel sa solo presscon niya kung napag-usapan nila ni Marian na magkakatapat ang mga programa nila.
“Hindi,” mabilis na sagot ni Angel. “Sa totoo lang, kami, wala naman kaming pakialam sa ganu’n, dedma kami sa ganu’n.
Basta kami, ginagawa lang namin ‘yung trabaho namin at pareho kaming nandito para makapagpasaya ng tao, ‘yun ‘yung
importante sa amin.”
Dapat naman talagang hindi dapat maapektuhan ang pagkakaibigan ng mga artista kung nagkakatapat man ang mga programa nila dahil unang-una, hindi naman sila ang nagdedesisyon sa timeslots. Tulad nga ng katwiran ni Angel sa muli niyang pagpasok sa La Luna Sangre, “Empleyado po ako at sumusunod sa management dahil may kontrata ako.”
Parang kailan lang ay sina Angel at Richard Gutierrez ang bida sa orihinal na Mulawin sa GMA-7 na kahit anong programang itapat noon ng ABS-CBN ay hindi natinag. Pero hindi mo talaga masabi ang magiging takbo ng kapalaran dahil ngayon ay nasa ABS-CBN na sila.
At ang mga kasamahan noon nina ‘Gel at ‘Chard sa Mulawin na mga sisiw o mga inakay pa lang ay mga bida na sa Mulawin vs Ravena na katapat ng La Luna Sangre na hindi naman manalo-nalo sa ratings war.
Sabi nga, iba pa rin ang orihinal at maraming beses na ‘yan napatunayan.
Anyway, may ilang miron na nagsabing, “‘Pag hindi nag-rate ang show ni Marianita (Marian), mag-guest na lang siya sa La Luna Sangre.”
Mukhang nagiging running joke na ang suggestions na mag-guest na lang sa Kapamilya shows ang bida ng mga katapat na programa sa Kapuso Network na hindi nagri-rate.