Ni: Bert de Guzman
MALIMIT sabihin ni President Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ang ganito: “Do not destroy the (Filipino) youth. I will kill you.” Suportado ng mga Pilipino ang pahayag na ito ng ating Pangulo sapagkat ang kabataan ang tunay na pag-asa ng bayan. May katwiran siyang magbanta laban sa sumisira o nangwawasak sa kinabukasan ng mga kabataan sa pamamagitan ng bawal na droga. Tiyak kong suportado ng sambayanang Pilipino si Mano Digong. Kahit ipatumba niya kay Gen. Bato ang mga drug smuggler, supplier, baka matuwa pa sila sapagkat walang maibebentang shabu (crystal meth) ang mga pusher at user sa lansangan.
Nakalulungkot na ilang kabataan ang napapatay ng mga pulis sa isinusulong nilang operasyon laban sa illegal drugs.
Ang isang halimbawa ng pagkamatay ng kabataan, si Kian Loyd delos Santos, ay maliwanag na pagkontra sa patakaran ni PRRD na huwag wasakin ang kabataang Pilipino. Ang nasa likod umano ng pagpaslang sa 17-anyos na si Kian ay ang Caloocan police. May nagbabansag nga ngayon sa Caloocan police bilang Kalokohan police. Siyempre pa, hindi lahat ng pulis-Caloocan ay mga loko at pasaway.
Napabalita rin na isa pang kabataan, si Carl Angelo Arnaiz, dating estudyante sa University of the Philippines, ang napatay rin sa drug operation ng Kalokohan police, este Caloocan police. Inatasan ni DoJ Sec. Vitaliano Aguirre II ang National Bureau of Investigation (NBI) na gumawa ng imbestigasyon sa pagpatay na halos katulad ng pagpatay kay Kian delos Santos.
Sa imbestigasyon na ginawa ng Public Attorney’s Office (PAO), lumilitaw na ang pagkakapatay kay Carl ay katulad ng pagpatay kay Kian. Ang nakapatay kay Carl ay mga pulis-Caloocan din at parang iisa ang sistema ng pagpatay sa mga kabataan. Ayon sa mga pulis, hinoldap ni Carlo ang taxi driver na si Tomas Bagcal sa C-3 road, Caloocan City noong Agosto 18. Sa forensic analysis ng PAO, lumilitaw na si Carl ay pinahirapan muna saka binaril nang malapitan gaya ng kay Kian.
Hindi na itinuloy ang pagtatalaga kay Chief Inspector Jovie Espenido sa Iloilo City dahil nais ng taga-Ozamiz City na manatili siya roon. Dahil may plano raw na mag-people power ang mga residente roon kapag inilipat si Espenido kaya kinansela ni PDU30 ang nakatakdang pagtatalaga sa kanya sa Iloilo City. Si Espenido ang chief of police ng Albuera, Leyte nang mapatay si Mayor Rolando Espinosa. Siya rin ang hepe ng pulisya ng Ozamiz City nang mapatay si Mayor Reynaldo Parojinog, Sr. Si Espenido ay nakikilala ngayon bilang “Mayors’ killer” sapagkat may hinala ang mga tao na kung siya’y natuloy na matalaga sa Iloilo City, baka ang maitumba roon ay si Iloilo City Jed Patrick Mabilog na nasa narco-politicians list ni Pres. Rody.
Kung sa hanay ng mga tao ay may tinatawag na PASAWAY, sa organisasyon ng mga bansa sa mundo ay meron ding PASAWAY NA BANSA. Ito ay walang iba kundi ang North Korea na ang lider ay si Kim Jong-Un. Parang hindi siya natatakot sa US at sa United Nations na tigilan nito ang pag-eeksperimento ng international ballistic missiles.
Sa huling balita, iniulat ng North Korea na matagumpay ang paglulunsad nito ng hydrogen bomb. Ikinabahala ito ng mga bansa, lalo na ng South Korea, Japan at United States. lba ang takbo ng isip ng North Korean leader sapagkat baka kung magkaroon na ito ng mga arsenal ng ballistic missiles at hydrogen bombs, hamunin ang US at dito magsimula ang World War III na tiyak na lulusaw sa planetang mundo. Huwag naman sana!