Ni REGGEE BONOAN
FOLLOW-UP ito sa pagbabalik ni Angel Locsin sa La Luna Sangre bilang si Jacintha Magsaysay. Kaliwa’t kanan ang batikos sa kanya ngayon ng ilang supporters nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo.
Naitanong na ito kay Angel sa solo presscon niya nitong nakaraang Huwebes at sinabi niyang management decision ang pagbabalik niya sa LLS, hindi niya sariling kagustuhan -- at binanggit din na natuwa si Kathryn.
Pero hindi pa rin pala tumitigil ang ilang KathNiel fans na nakipagsagutan pa kay Angel sa social media kahit maayos naman ang paliwanag ng aktres.
Ang sentimiyento de asukal ng ilang KathNiel fans, bakit daw kailangan pang ibalik si Angel sa serye nina DJ at Kath gayong nag-announce naman dati na ‘special participation o guest’ lang ang aktres. Nabanggit pa na baka raw isipin ng casual viewers na hindi kaya ng KathNiel na dalhin ang sarili nilang teleserye kaya kinailangang ibalik si Lia sa ibang katauhan.
Nangangamba rin ang bashers na baka matulad na naman ang nangyari sa Pangako Sa ‘Yo na hindi sina Daniel at Kathryn ang nag-shine kundi ang tambalang Jodi Sta. Maria at Ian Veneracion at pati na si Angelica Panganiban.
Maganda ang sagot ni Angel sa bashers niya, “Hindi ko po alam. Hindi po ako taga-PSY. Hindi rin po ako management.
Empleyado lang po ako. Thank you.”
Pero kahit ano pang paliwanag ni Angel sa bashers ay hindi pa rin siya tinitigilan kaya ang nasabi na lang ng aktres, “Eto naman, di ba ako ‘yung nagagamit? Show nila ‘to, eh. Para sa kanila, suportahan n’yo na lang lalo para mas maging maganda.”
Samantala, tinawagan namin ang isa sa administrators ng pinakamalaking grupo ng supporters nina Daniel at Kathryn na si Ms. Agot ng KathNiel KaDreamers World at tinanong kung miyembro ba nila ang umaaway kay Angel at kung alam nila ito.
“Magandang umaga po, Ms. Reggee. Sa totoo lang po, nagugulat din po kami sa mga nababasa namin. Hindi po namin kagrupo ‘yung bashers ni Angel, actually po, nagpapaimbestiga na po ako kung sino kasi po, nakakahiya kasi damay-damay kaming lahat maski wala naman sa grupo namin iyon.
“Naintindihan po namin ‘yung hinaing ng bashers ni Angel kasi KN supporters din sila, pero sana hindi sa gano’ng paraan kasi po napapasama lahat. At ‘pag nalaman pa ‘yan nina DJ at Kath, baka magalit din sila sa grupo.
“Nag-message na nga po ako sa KaDreamersWorld na walang sasagot o magpo-post ng anuman para walang gulo at umokey naman po lahat.
“Sa totoo lang po, Ms. Reggee nababahala rin kami na baka nga isipin na hindi kaya ng KathNiel ang LLS, pero hindi, eh, pinupuri naman sina DJ at Kath, ang galing po ng acting nila kaya kampante naman po kami.
“Kay Ms. Angel Locsin po, wala kaming masasabi, totoo naman po ang sinabi niya, artista siya ng ABS-CBN at sumusunod lang din siya kaya sana huwag na lang siyang i-bash.
“Sana magtulungan na lang lahat ang KN supporters na suportahan natin ang La Luna Sangre para kina DJ at Kath naman ito at sa ating lahat,” malumanay na tinig ni Ms. Agot sa kabilang linya.
Hayan, klaro na, sana nga sa halip na awayin ang sinumang artistang bagong pasok o kasama sa La Luna Sangre, e, suportahan na lang ng KathNiel supporters huwag nang awayin.