ITATAYA ni Pinoy boxer Jhack Tepora ang malinis na marka para sa world ranking sa pakikipagtuos kay IBO featherweight champion Lusanda Komanisi sa Setyembre 23 sa East London, South Africa.

Naghihintay sa magwawagi sa duwelo ang bakanteng WBO Inter-Continental featherweight title at malaki ang mawawala sa 24-anyos na Pilipino kung hindi niya mapatutulog ang South African dahil mahirap manalo sa desisyon sa nasabing bansa.

Kasalukuyang WBO Oriental super bantamweight titlist ang tubong Cebu City na si Tepora na umakyat ng timbang dahil nahihirapan nang kunin ang 122 pounds limit.

Isang Pilipino pa lamang ang nakakaharap ni Komanisi sa katauhan ni dating OPBF super bantamweight champion Roli Gasca na tinalo niya sa kontrobersiyal na 12-round split decision noong 2014 sa depensa ng kanyang IBO featherweight title bago niya napatigil sa rematch pagkaraan ng isang taon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

May rekord si Komanisi na 21-3-0 na may 18 panalo sa knockouts samantalang si Tepora na nakalistang No. 9 super bantamweight sa WBO ay may kartadang perpektong 20 panalo, 15 sa pamamagitan ng knockouts. - Gilbert Espeña