Ni DINDO M. BALARES
MATAGAL naghanap ang ABS-CBN ng babagay na leading man kay Julia Barretto. Marami ang nag-akala na mababantilawan na ang career niya nang lumampas siya sa teenage period na wala pa ring hit movie, pero sadyang ito na pala ang panahon niya.
Hindi siya nakatakda para maging star. Nakatakda siyang maging actress – na mas pangmatagalan.
Dumating sa career niya ang Vince and Kath and James at nakatambal sina Joshua Garcia at Ronnie Alonte. Surprise hit ang pelikula, hindi inaasahan pero lumampas sila sa P100-M mark, ang sukatan ngayon para mapabilang ang isang artista sa big league.
Muling pinagtambal sina Joshua at Julia ng Star Cinema sa Love You To The Stars and Back na tulad ng Vince and Kath and James ay fusion uli ng indie at mainstream. Dalawang linggo na itong pinapasok ng moviegoers sa mga sinehan. Sa unang linggo, kumita na sila ng P60M at hindi malayong maabot uli nila ang P100M.
Baka nga lumampas pa dahil nakatakda na rin ang international screenings nito sa Canada at US September 8, pati na sa Australia at New Zealand September 14. Marami rin tayong mga kababayan sa Dubai at iba pang bahagi ng Middle East na nagtatanong kung ipapalabas ito roon.
Umuukit ng bagong niche sa movie industry sina Julia at Joshua, dahil kumpara sa ibang love team ay hindi lang kilig-kilig ang hinahabol sa kanila ng moviegoers. Pinag-uusapan ng millennials na hindi sila pabebe, ang brand ng acting na ikinaiirita ng bagong henerasyon. Higit sa lahat, pinapansin din ng kanilang audience ang sincerity at maturity nila bilang actor.
Ginampanan nila sa Love You To The Stars and Back ang characters nina Caloy at Mika na parehong may problema na gusto na nilang sukuan. Nerd si Mika na naniniwala sa aliens samantalang may malubhang sakit naman si Caloy. Magpapakuha na lang sila sa alien. May metaphor sa pelikula na nagbigay ng lalim at dilim, na ikinaganda nito. Kung naging pronounced masyado ang paksang tinalakay nang pailalim, baka napasama.
Sa gabay ng kanilang direktor na si Antoinette Jadaone, buong husay na nagampanan nina Julia at Joshua ang kani-kaniyang role.
Simula nang ipalabas sa mga sinehan, trending topic sa social media at usap-usapan ng millennials ang pelikula nila.
Pero hindi lang netizens ang pumupuri sa kanila kundi maging ang ibang mga artista at direktor.
Tulad ng iba pang mga pelikula na naging icon ng kani-kaniyang henerasyon, hindi lang ang kahusayan ng mga artista ang napapansin sa Love You To The Moon and Back kundi ganoon din ang brilliance ni Direk Tonette.
Pinatunayan niya sa pelikulang ito na siya ang alpha female sa bagong henerasyon ng Filipino filmmakers. Gumawa siya ng pelikulang nagpapakita ng kagandahan ng buhay sa kabila ng mga problema o kapangitan nito.
Sina Joshua Garcia, Julia Barretto at Antoinette Jadaone ang nagiging kinatawan ng millennials ngayon – sensitive, talented, at kayang i-deliver ang trabahong inaasahan sa kanila.
Sa katunayan, hinigitan pa nila nang bonggang-bongga.