Ni Marivic Awitan
WALANG Bolick. Walang head coach. Walang problema sa San Beda College Red Lions.
Nanatiling mabangis ang Mendiola-based cagers, sa kabila ng kakulangan sa lakas at taktika bunsod ng suspension sa premyadong scorer na si Robert Bolick at gabay ni coach Boyet Fernandez para dominahin ang Mapua Cardinals, 88-70, kahapon sa NCAA Season 93 seniors basketball tournament sa Fil-Oil Flying V Center.
Pinatawan ng isang larong suspensyon sina Bolick at forward Clint Doliguez bunsod nang pagkakasangkot sa gulo nang bigyan ng ‘hard foul’ ni Carlo Young ng St. Benilde ang MVP candidate sa kanilang laro nitong Martes, habang hindi nagustuhan ng NCAA Management Committee (Mancom) ang maaanghang na salita ni Fernandez hingil sa mga opisyal, higit sa desisyon ni Commissioner Bai Cristobal na patalsikin sa laro si Bolick.
Nanguna sa San Beda si AC Soberano sa naisalansan na 17 puntos, habang kumana si Javee Mocon ng 11 puntos at 10 rebounds para sandigan ang Red Lions sa 10-1 karta.
Pansamantalang humalili si San Beda assistant coach JB Sison para sa bench ng defending champion.
“I’m happy with the way we played despite the absence of Robert Bolick and Clint Doliguez, two of our best scorers,” sambit ni San Beda team manager Jude Roque.
“I think what’s noticeable today was everybody stepped up, mas maganda ball movement. I’m really happy. They didn’t look for a go-to-guy today. Everybody was able to score so ibig sabihin, umiikot ‘yung bola,” aniya.
Kumubra naman ng 17 puntos si Leo Gabo para sa Mapua, habang nag-ambag si Denniel Aguirre ng 16 puntos. Bagsak ang Cardinals sa 1-10.
Nakabawi naman ang Red Robins sa karibal na Red Cubs, 73-71, sa juniors match.
Hataw si Will Gozum sa naiskor na 22 puntos at walong rebounds, habang kumana sina Warren Bonifacio at Mike Enriquez ng 13 at 11 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nangunguna ang Red Robins na may 7-1 karta, habang nakabuntot ang Red Cubs sa 6-3.
Iskor:
(Seniors)
San Beda (88) - Soberano 17, Mocon 11, Tankoua 9, Noah 9, Cabanag 8, Potts 8, Oftana 6, Tongco 5, Adamos 5, Abuda 4, Presbitero 2, Carino 2, Bahio 2.
Mapua (70) - Gabo 17, Aguirre 16, Nieles 13, Pelayo 9, Bunag 8, Raflores 4, Victoria 3, Orquina 0.
Quarterscores: 18-17, 40-32, 58-49, 88-70.
(Juniors)
MU (73)- Gozum 22, Bonifacio 13, Enriquez 11, Escamis 9, Jabel 8, Ramos 4, Lacap 2, Socias 2, Arches 0, Dennison 0.
SBC (71)- Tagala 15, Obenza 13, Nelle 9, Etrata 9, Velasquez 8, Alfaro 5, Garcia 4, Abu Hijle 4, Lagumen 2, Nayve 2, Sese 0, Mahinay 0.
Quarters: 16-23, 37-37, 54-52, 73-71