NI: Mary Ann Santiago

Tatlong babae, kabilang ang isang paslit, ang kumpirmadong patay sa sunog sa isang residential area sa Tondo at sa isang condominium building sa Binondo, Maynila, iniulat kahapon.

Kinilala ni Supt. Antonio Razal, fire marshal ng Manila Fire Department (MFD), ang mga biktima na sina Venus Sarmiento Liqid, tinatayang nasa edad 30-35; Althea Michelline Mae Liqid Diestro, 3, kapwa ng 1647 F. Varona Street sa Tondo; at isang Pacita Sao, ng Unit 804, Binondo Terraces Condominium building, Alvarado Street sa Binondo.

Sa ulat ng MFD, sa hindi pa batid na dahilan, sumiklab ang sunog sa dalawang palapag na bahay na pagmamay-ari ng isang Hermignia Hipolito sa F. Varona St., bandang 3:11 ng hapon kamakalawa.

Duterte siblings, nag-bonding: 'Always something to be grateful for'

Mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay, na pawang gawa sa light materias, kabilang ang bahay ng mga biktima.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog bago naapula bandang 5:41 ng hapon.

Inaalam pa ang halaga ng mga ari-ariang naabo.

Samantala, natupok din ang ikawalong palapag ng Binondo Terraces Condominium building sa Alvarado St., bandang 11:49 ng umaga kahapon.

Ayon sa MFD, nakaligtaang nilulutong ulam sa Unit 805 ng gusali, na sinasabing pagmamay-ari ni Virginia Fullon, ang tinitingnang pinagmulan ng apoy na umabot sa ikalimang alarma bago idineklarang under control, bago mag-1:00 ng hapon.

Gayunman, sa halip na tuluyang maapula ay muli umanong sumiklab ang apoy at kumalat sa iba pang palapag.

Nadiskubre ang bangkay ni Sao sa loob ng Unit 804, pasado 4:30 ng hapon.

Habang isinusulat ang balitang ito, patuloy pang inaapula ng mga bumbero ang apoy.