Ni REGGEE BONOAN

ILANG araw nang tapos ang presscon ng pelikulang Ang Pamilyang Hindi Lumuluha ni Sharon Cuneta pero pinag-uusapan pa rin sa showbiz ang sinasabing problema ng megastar.

Marami ang nakahalata na pilit ang mga biro at tawa ni Sharon nang humarap sa press, na nasanay nang walang tigil ang tawanan, laglagan at hagalpakan kapag may presscon siya.

‘Yung pagiging late ng megastar sa event ay okay lang dahil sanay na, pero ang pagiging matamlay niya nu’ng hapong iyon ang napansin ng lahat.

Teleserye

Buong produksiyon ng 'Batang Quiapo,' pina-drug test ni Coco

Inamin naman ni Shawie sa Q and A na may pinagdadaanan siya, pero nang pahapyaw na kulitin ng mga katoto ay ayaw niyang sabihin kung ano ang bumabagabag sa kanya.

“It’s normal I think, lahat naman tayo na mga human beings, dumadaan sa ganu’ng period,” aniya sa intimate na pakikipag-usap sa kanya ng mga katoto pagkatapos ng presscon.

May nagsabi na naninibago ang lahat sa kanya.

“Talaga? Kita ba? Akala ko pa naman grandslam na grandslam ako. Baka kasi hindi na rin ako bata, hindi na ako 15 years old. Ha-ha-ha-ha!”

Itinanong din ang post niya sa IG account na, “Money can’t buy happiness.”

“Yeah, it’s true. But it’s better to be sad, and have something to buy something with,” sagot niyang tumatawa. “Okey na rin ‘yon. Kahit malungkot ka, at least kung may konti kang naipon, puwede kang mag-shopping, mag-parlor o kumain sa labas kasama ang mga friends mo, cousins mo,” katwiran ng aktres.

Diniretso rin siya ng tanong kung totoong ‘on the rocks’ ang relasyon nila ni Sen. Kiko Pangilinan.

“People will always have naman,” malumanay na sagot ni Sharon. “They will always speculate. So, whether I deny or admit or give a reason or say something else, they will always believe what they want to believe.

“Ilang beses ko na ring nasabi, na wala namang perpektong marriage. So, ganu’n lang naman ‘yon. Pero marami pa. Hindi lang naman ‘yon ang puwedeng problema.”

Nasa midlife crisis ba siya ngayon?

“Naku, nakalampas na ako sa midlife crisis ko ten years ago pa. Nakaranas ako ng midlife crisis nu’ng 40 ako. I’m 51 now. So, wala na `yon,” natawang banggit niya.

May nangumusta...

“I’m okey. Please don’t worry about me, I’m always okey. My God, ang dami ko nang pinagdaanan, and I come out stronger naman. So, whatever I go through with my life now, I will come out strong and willing and happy to work pa rin,”sagot ni Mega.

Naikuwento rin ni Sharon na namatay ang pinsan ni Sen. Kiko na malapit na malapit sa puso niya.

“Namatayan kami. First cousin ni Kiko, nu’ng nagliligawan pa lang kami, kasama na namin noon pa. Very young, actually,” saad niya.

May nagtanong ulit kung okay sila ni Kiko.

“Okey kami! Okey kami! Kagabi nandu’n kami sa wake,” pakli ng aktres.

Samantala, nagbiro si Sharon na gusto niyang ipag-produce ng sariling pelikula ang sidekick niya sa Ang Pamilyang Hindi Lumuluha na si Moi Bien na staff ni Piolo Pascual dahil talented at naniniwala siyang kaya nitong magdala ng sariling pelikula.

Showing na uli sa mga sinehan simula kahapon ang indie film nina Sharon at Moi.