Ni: Bella Gamotea

Sinisiyasat ng Muntinlupa City Police ang motibo sa pamamaslang ng mga hindi kilalang armadong suspek sa isang babaeng motorista sa lungsod, nitong Linggo ng hapon.

Kinilala ni Senior Supt. Dante Novicio, hepe ng Muntinlupa City Police, ang biktimang si Maria Ronila dela Rosa, 36, ng Agnos Street, Barangay Doña Josefa, Quezon City.

Dead on the spot si dela Rosa sa tinamong ilang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, habang inaalam pa ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na sakay sa puting SUV na hindi naplakahan.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

Sa ulat ng pulisya, nangyari ang pananambang bandang 4:00 ng hapon nitong Linggo sa Biaon Road sa Bgy. Poblacion, Muntinlupa City.

Sa pahayag ng testigo, binabagtas ng gray na Toyota Juego (AAY-1501) na minamaneho ni dela Rosa ang lugar nang dinikitan ito ng puting SUV at pinagbabaril ang sasakyan ng biktima.

Narekober ang limang basyo ng .9mm pistol sa pinangyarihan ng insidente, habang kinailangan pang basagin ng mga pulis ang bintana ng sasakyan upang mailabas ang bangkay ni dela Rosa dahil naka-double lock ito, at ilang beses pang nag-ring ang cell phone nito sa loob ng kotse.

Batay sa kuha ng CCTV camera ng barangay, simula pa lamang sa tulay malapit sa isang Police Community Precinct (PCP) ay binuntutan na ng SUV ang sasakyan ni dela Rosa.

Wala pang ibinibigay na pahayag sa awtoridad ang mga kaanak ng biktima, na wala umanong kaaway.