Inihayag ni Department of Social and Welfare Development (DSWD) Sec. Rex Gatchalian na umabot na isang milyong driver mula sa iba’t ibang sektor ang naabot ng ayudang ipinamamahagi ng gobyerno kasunod ng naging serye ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Ang running total natin out of we already in service one million drivers. Iba-ibang sektor na ‘yon,” ani Gatchalian sa panayam sa kaniya sa media ng media nitong Lunes, Abril 20, 2026.
Giit pa niya, aabot na rin daw sa halos limang bilyon ang nailabas ng gobyerno para sa roll out ng fuel subsidy.
“By the end of the month, we plan to finish the first round, ang total na nagagastos na ng gobyerno is close to ₱5 billion, as we speak right now,” anang DSWD Secretary.
Kaugnay pa rin ng usapin ng sabsidiya ng gobyerno para sa sektor ng transportasyon, matatandaang aabot din sa ₱5 bilyon ang hinihingi namang pondo ng Department of Transportation (DOTr) para sa dire-diretsong pag-arangkada ng service contracting program.
KAUGNAY NA BALITA: ₱5B sa phase two! DOTr may hirit na dagdag–pondo para sa service contracting program
Sa panayam kamakailan ng media, kinumpirma ni Vigor Mendoza II, chairman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), na umabot na sa ₱5 bilyon ang hiling na pondo para sa ikalawang yugto ng naturang programa.
“Sa second phase, nag-request na ang DOTr ng ₱5 billion. Marami na ang masasama doon,” ani Mendoza sa panayam ng isang radio news program nitong Sabado, Abril 11, 2026.
Nauna nang inilunsad ang unang phase ng service contracting program na may paunang budget na ₱1 bilyon—₱800 milyon para sa road transport at ₱200 milyon para sa maritime transport. Nakatakdang magsimula ito sa Abril 15 at tatagal ng dalawang linggo.
KAUGNAY NA BALITA: ₱1 bilyon, pondo ng gov't sa loob ng 2 linggo para sa 'service contracting program'
Ang service contracting program ay isang programang inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., kung saan nakatakda nilang pasahurin ang ilang public utility vehicles (PUV).
Sa ilalim ng programa, babayaran ang mga bus operator at driver ng ₱100 kada kilometro. Sa EDSA Busway pa lamang, tinatayang 50 operator, 500 bus units, at 300,000 pasahero araw-araw ang sakop.
Para naman sa mga jeepney, ₱40 kada kilometro ang bayad sa mga modernong unit, habang ₱30 kada kilometro naman para sa mga tradisyunal na jeep.