ni Bella Gamotea

Aminado ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na mahirap at matagal pa bago masolusyunan ang matinding trapik sa mga lansangan sa Metro Manila, lalo na’t sobra-sobra ang bilang ng mga sasakyan na pangunahing sanhi nito.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni MMDA Chairman Danilo Lim, na taun-taon ay nadaragdagan ang mga sasakyan sa mga lansangan dahil sa paglago ng automobile industry sa bansa.

Aniya, ngayong pumasok na ang ‘ber” months ay mas titindi pa ang trapik na mararanasan ng mga motorista at pasahero sa EDSA na nakadagdag pa ang pagdagsa ng tao sa malalaking establisimiyento at shopping malls roon.

Comelec, inoobliga na mga kandidato na iparehistro ang kanilang social media accounts

Sa taya ni Lim, aabot sa record-high na 450,000 hanggang 500,000 ang mga nabebentang sasakyan sa pagtatapos ng taon na mas malaki sa 417,000 naibenta noong 2016.

Nasa 35% rin aniya ang kabuuang bilang ng mga sasakyan sa bansa na nagsisiksikan sa Metro Manila.

“Tiyaga-tiyaga lang po muna at matagal pa masosolusyonan ang trapiko dahil nagpapatuloy pa ang mga major road infrastructure projects ng gobyerno,” anang Lim.