KUALA LUMPUR – Dapat ng ihinto ang recruitment ng mga African players sa collegiate leagues sa bansa dahil masamang epekto ang naidudulot nito sa Philippine basketball.

Ito ang inihayag ni Gilas Pilipinas coach Jong Uichico matapos magwagi ng kanyang koponan noong Sabado ng gabi ng ika-18 gold medal ng bansa sa men’s basketball sa ginaganp na 29th Southeast Asian Games.

Lumitaw ang nasabing isyu matapos nitong kilalanin ang malaking kontribusyon ni Fil-German Christian Standhardinger sa nakumpletong title sweep ng Gilas .

“I have been vocal against this because it denies spots for local big men,” ani Uichico,kasunod ng kanilang naitalang 94-55 na demolisyon sa Indonesia sa finals.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Ayon kay Uichico, nawawalan ng mga puwedeng i-develop na mga local big men sa bansa dahil nakukuha ng mga Africans ang kanilang puwesto.

“Kung may malaki kang African, bakit ka pa kukuha ng mga 6-5 or 6-6 na Pinoy?” ani Uichico.

Pagkagaling sa stint kasama ng Gilas squad sa FIBA Asia Cup sa Lebanon, dumiretso ang 6-foot-9 center na si Standhardinger para makasama ng mga Gilas cadets na nangangailangan ng lehitimong sentro para sa biennial games.

“Without Christian, things would have been more difficult,” ayon pa kay Uichico.

Bukod sa pag-iskor ng double digits sa bawat laro, naibigay ni Standhardinger ang kinakailangang inside presence at athleticism ng team upang mangibabaw sa kompetisyon.

Ayon pa kay Uichico , ang mga nakalaban nila ay mga koponang mayroon na ring mga professional players na pinalakas ng mga stints ng mga ito sa kani-kanilang mga liga at sa Asean Basketball League (ABL).

“Iba na ang mga kalaban ngayon. Hindi na puwede biruin,” wika pa ni Uichico.

Maaari pa rin naman ayon kay Uichico ang nakagawiang pagpapadala ng mga top collegiate players sa SEA Games ngunit hindi na ito nakakasiguro na mananalo.

“Sige, try natin padala mga collegiate players na nag train for one week. I’m not saying they would lose, but let’s see,” hamon pa nito.

Ang Gilas Cadet team ay nagsanay sa loob ng siyam na araw at nakipag-scrimmage sa apat na collegiate squads bago sumabak sa SEA Games.

Pagbalik nila sa bansa sa Lunes, ikokonsidera na silang disbanded ayon pa kay Uichico.“The players have their own plans. Some will join the PBA draft.” - Rey Bancod