Ni: Vanne Elaine Terrazola, Rommel Tabbad, at Alexandria San Juan

Tuluyan na nga kayang babawiin ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang isang-buwang suspensiyon nito sa Uber makaraang itakda ng ahensiya sa P190 milyon ang multa ng transport network company (TNC) para muli itong makapagserbisyo sa mga pasahero?

Sinabi kahapon ni Cat Avelino, communication officer ng Uber Philippines na ang TNC ay “working hard to meet the conditions of the lifting of the suspension.”

Tumanggi naman siyang sagutin kung kukuwestiyunin ng Uber ang nakalululang multa na hinihingi ng LTFRB, at sa halip ay sinabing ang kumpanya “hope to resume operations as soon as possible.”

National

2 taga-Laguna na parehong nanalo sa magkahiwalay na Lotto 6/42 draw, kumubra na ng premyo

Ngunit sa tugon sa isang netizen sa Twitter, inihayag ng Uber Philippines na inaasahan nitong makababalik-operasyon na “this coming week.”

Tiniyak din ng Uber ang pagkakaloob ng ayudang pinansiyal sa mga operator nito hanggang sa tuluyan nang mabawi ang suspensiyon.

Kasabay nito, nilinaw kahapon ng LTFRB na ang P190 milyon multa na hinihingi nila sa Uber ay batay sa average daily earnings ng kumpanya.

“Inaral namin ‘yung average daily income ng Uber. Naglalaro po sa P7-P10 million a day,” sabi ni LTFRB spokesperson, Atty. Aileen Lizada.

Aniya, ang kita ng Uber kada araw na mula P7-P10 milyon ay batay sa 25 percent share na nakukuha ng TNC sa booking fees mula sa kanilang partner-drivers na sinuma sa average na 150,000 daily trips.

“Ang remaining days ng suspension is 19 days kaya ‘yung P10 million times 19 days na naiwan. That’s how we arrived with the amount of P190 million,” paliwanag ni Lizada.

Pinuri naman ng grupo ng transportasyon ang multang ipinataw ng LTFRB sa Uber kapalit ng pagbawi sa suspensiyon nito.

Tinawa ng Kilusan sa Pagbabago ng Industriya ng Transportasyon (KAPIT) na “historical decision” ang ginawa ng LTFRB.

“We join LTFRB in pushing for modernization and greater passenger comfort and convenience not only in the TNCs but in all modes of transport,” saad sa pahayag ng KAPIT kahapon.