NI: Mary Ann Santiago at Jun Fabon
Kinumpirma kahapon ni Health Secretary Paulyn Ubial na nagnegatibo sa avian flu virus ang 34 na katao na nakiisa sa bird-culling operations sa Pampanga at Nueva Ecija at isinailalim sa quarantine nang makitaan ng mga sintomas ng trangkaso.
Sa isang pulong balitaan kahapon, sinabi ni Ubial na sa nasabing 34 na indibidwal, 30 ang mula sa Pampanga at apat naman ang nanggaling sa Nueva Ecija.
Kasama umano sila sa 258 katao, na kinabibilangan ng mga magsasaka at military contingents, na tumulong sa pag-depopulate ng may 470,640 ibon na dinapuan ng bird flu sa naturang mga lalawigan.
Nakitaan ang mga ito ng sintomas ng trangkaso, na kahalintulad din ng sintomas ng bird flu, kaya inilagay sa quarantine at kaagad na sinuri.
Samantala, sinabi ni Dr. Arlene Vytiaco, ng Bureau of Animal Industry (BAI), naaabutin pa ng 84 na araw bago maideklara ng DA na bird flu free ang bansa.