Nina ALEXANDRIA DENNISE SAN JUAN at JUN FABON
Isang traffic enforcer na naghatid ng kanyang anak sa eskuwelahan ang ibinulagta ng riding-in-tandem malapit sa isang paaralan sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ni SPO1 Ronnie Ereño, ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit, ang biktima na si Teogenes Mendez, 51, traffic enforcer sa Barangay Pasong Putik.
Ayon sa misis ni Mendez, si Mary Ann, inihatid ng biktima, gamit ang kanilang motorsiklo, ang kanilang 11-anyos na anak sa eskuwelahan sa Ilang-ilang Street, bandang 6:00 ng umaga.
Inihatid ni Mendez ang kanyang anak at pabalik na sa kanyang duty nang sumulpot ang dalawang lalaking sakay sa motorsiklo at dalawang beses pinaputukan ang walang kamalay-malay na biktima bago ito bumulagta.
Ayon sa isang tricycle driver, na nasa likod ng dalawang motorsiklo, matapos barilin si Mendez ay bumaba mula sa motorsiklo ang angkas na suspek at kinuha ang bag at radyo ng biktima.
Sinundan ito ng isa pang putok bago tuluyang tumakas ang mga suspek.
“’Di ko maisip bakit ginawa sa kanya ‘yun. Wala naman siyang nakakaalitan kasi siya nga ang nag-aayos ng gulo sa lugar namin.” pahayag ni Mary Ann.
Agad nasawi si Mendez, nagsimula lamang sa kanyang trabaho nitong Abril, na nagtamo ng mga bala sa ulo.
Patuloy ang imbestigasyon sa insidente.