May 22, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

BALITAnaw: Saysay sa kasaysayan ng haiku sa pagdating ng mga Hapon

BALITAnaw: Saysay sa kasaysayan ng haiku sa pagdating ng mga Hapon
Photo courtesy: Freepik

Sa araw na ito, ipinagdiriwang ang International Haiku Poetry Day bilang paggunita sa tradisyunal na pagsulat ng tula ng mga Hapon. 

Sa depinisyon ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF), ang haiku ang isang maikling tulang Japanese na binubuo ng tatlong linyang may lima, pitó, at limang pantig ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa madaling salita, 5-7-5 ang bilang ng mga pantig sa bawat linya ng isang saknong sa mga tulang haiku. Madalas na nakatuon ang tema ng nasabing tula tungkol sa kalikasan, damdamin, at mga eksenang may matalinghagang pahiwatig sa pang-araw-araw na pamumuhay ng tao. 

Nagsimula ang International Haiku Poetry Day sa pagsusulong ng makatang si Sari Grandstaff noong 2007 at naging proyekto ng The Haiku Foundation noong 2012. 

Ngunit paano nga ba naging parte ng buhay ng mga Pilipino ang pagsulat ng tulang haiku at kailan ito nagsimula? 

Mga Pagdiriwang

Tuklasin: Mga kulturang weirdo at kakaiba pero ipinagdiriwang pa rin sa mundo!

Ayon sa tala ng manunulat at miyembro ng World Haiku Association at United Haiku and Tanka Society na si Ernesto Santiago, masasabi raw na nagsimula ang pagsulat ng haiku sa Pilipinas sa panahon ng pananakupan ng mga Hapon noong 1941 hanggang 1945. 

Aniya, nagdulot ng isang magandang aspeto sa Pilipinas ang pagdating ng mga Hapon at ang pagbabawal ng mga ito na mabahiran ang panitikan ng impluwensya ng mga Amerikano. 

Kaya nga natawag din ang panahong ito bilang “Gintong Panahon ng Panitikan.” 

Isa sa sumikat na manunulat noong panahon ng pananakupan ng mga Hapon na sumulat ng haiku ay ang makatang si Gonzalo K. Flores o kilala rin sa pangalan na Severino Gerundio. 

Ayon sa tala ni Santiago, may mga piyesa ng haiku si Gerundio na nailathala sa Liwayway magasin noong Hunyo 5, 1943, na may mga titulong “Tutubi” at “Anyaya”. 

Narito ang kopya ng mga nasabing haiku ni Gerundio: 

Tutubi

hila mo’y tabak…

ang bulaklak, nanginig!

sa paglapit mo.

Anyaya

ulilang damo

sa tahimik na ilog

halika, sinta.

Nang matapos ang pananakupan ng mga Hapon sa Pilipinas noong 1945, sinasabing kasabay rin nito ang tila pagtamlay sa pagsulat ng haiku ng mga manunulat na Pilipino. 

Muli lang nakita ang mga tulang haiku sa Pilipinas nang umusbong ang internet mula sa paglalathala ng ilang mga manunulat sa social media mula sa iba’t ibang mga organisasyon o grupo.

Sa kasalukuyan, patuloy pa ring ipinapakilala ang haiku sa mga batang mag-aaral sa bansa at iba pang anyo ng tula upang isulong ang panitikan. Posibleng nakasalamuha na ito ng karamihan noon o habang nag-aaral sila sa high school.