Patay ang isang lalaki matapos aksidenteng pumutok ang kaniyang baril habang nililinis niya ito sa loob ng kanilang bahay sa Purok 2, Barangay Cabangaan sa Silang, Cavite noong umaga ng Sabdo, Abril 18, 2026.
Batay sa ulat ng Silang Municipal Police Station, naganap ang insidente bandang 9:00 ng umaga.
Ayon sa saksi, abala umano ang biktima sa paglilinis ng kaniyang riple sa loob ng sariling silid nang biglang umalingawngaw ang isang malakas na putok. Dahil dito, dali-dali nilang sinuri ang kalagayan ng lalaki.
Pagpasok sa silid, natagpuan ang biktima na nakahandusay sa kama at duguan, habang katabi ang naturang baril na pinaniniwalaang aksidenteng pumutok.
Isang residente ang agad na nagtungo sa himpilan ng pulisya upang ipagbigay-alam ang nangyari.
Agad namang inasikaso ng pamilya ang mga labi ng biktima at dinala ito sa isang punerarya para sa kaukulang paghahanda.
Samantala, nagsagawa ng paunang imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye ng insidente.
Plano ring isumite ang baril sa forensic unit para sa ballistic examination bilang bahagi ng mas masusing pagsusuri.
Sa kabila nito, pinili ng pamilya ng biktima na hindi na ipasailalim sa autopsy ang labi at lumagda na lamang sa kaukulang waiver.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, habang muling pinaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa paghawak ng mga baril upang maiwasan ang kaparehong insidente.