May 21, 2026

Home BALITA Probinsya

9-anyos na batang nawawala, natagpuang naagnas na sa sako!

9-anyos na batang nawawala, natagpuang naagnas na sa sako!
Photo courtesy: Unsplash

Natagpuan ng mga awtoridad ang mga labi ng isang nawawalang 9 na taong-gulang na batang babae sa loob ng sako sa paanan ng isang bangin sa Barangay Can-ayan, Malaybalay City, Bukidnon noong umaga ng Abril 17, 2026.

Ayon sa Bukidnon Police Provincial Office, nadiskubre ang labi bandang 10:00 ng umaga sa Zone 5, Langcog, Incalbog, habang isinasagawa ang follow-up investigation at search and rescue operation.

Kabilang sa mga lumahok sa operasyon ang mga tauhan ng Malaybalay City Police Station, City Social Welfare and Development Office, at mga opisyal ng Barangay Can-ayan.

Iniulat na nawawala ang bata mula pa noong Abril 14 at residente rin ng nasabing lugar kung saan kalaunan natagpuan ang kaniyang bangkay.

Agad nagsagawa ng karagdagang imbestigasyon ang General Investigation Section ng Malaybalay City Police Station matapos ang pagkakadiskubre. Samantala, hiniling ang tulong ng Bukidnon Provincial Forensic Unit upang iproseso ang crime scene at suriin ang mga labi.

Probinsya

Lalaking tinakbuhan mga nanggugulpi sa kaniya, patay matapos bumangga sa poste!

Ayon sa mga awtoridad, ang lugar kung saan natagpuan ang sako ay walang signal ng cellular phone at matatagpuan humigit-kumulang 65 kilometro mula sa estasyon ng pulisya sa Malaybalay City.

Sa isinagawang forensic processing sa Villanueva Funeral Homes sa Barangay 8, napag-alaman na nasa advanced stage of decomposition na ang katawan ng biktima.

Isasailalim pa sa autopsy ang mga labi upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang makilala at madakip ang mga responsable sa krimen.

Samantala, inanunsyo itinaas na sa ₱50,000 pabuya para sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon na magtuturo sa pagkakakilanlan at pagkakaaresto ng suspek.

Nanawagan naman ang mga awtoridad sa publiko na manatiling mapagmatyag at agad iulat ang anumang kahina-hinalang aktibidad sa mga kinauukulan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.