Ni: Mary Ann Santiago
Sugatan ang isang rider matapos umanong ma-hit-and-run habang bumibiyahe pauwi sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Agad isinugod sa ospital si Roland Villanueva, 29, ng Navotas City, na nagtamo ng sugat sa mata, bibig, braso at hita.
Sa ulat ng Manila Traffic Bureau, nangyari ang aksidente sa Delpan Bridge, sa Tondo, dakong 1:00 ng madaling araw.
Ayon kay Villanueva, galing siya sa Ermita at pauwi na, sakay sa itim at maroon na motorsiklo, nang mangyari ang aksidente.
Sa bilis ng pangyayari, hindi matukoy ng biktima kung anong klaseng sasakyan ang nakabangga sa kanya.
Hindi naman nasagot ni Villanueva ang tanong ng awtoridad kung siya ay nakainom ng alak nang maaksidente.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso.