Ni: Ni LIEZLE BASA IÑIGO
Patay ang isang aktibong operatiba ng Philippine National Police (PNP) matapos umanong makipagbarilan sa kapwa pulis sa buy-bust operation sa bayan ng Sanchez Mira sa Cagayan nitong Linggo.
Sa panayam kahapon ng Balita kay Chief Insp. Virgilio Dorado, Jr., hepe ng Sanchez Mira Police, kinilala ang napatay na si PO3 Shelwin Pascual, nakatalaga sa Piat Police, at tubong Camalaniugan, Cagayan.
Nagsagawa ng drug buy-bust operation ang pinagsanib na puwersa ng Sanchez Mira Police, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Region 2, at Pamplona Police nang magkaroon ng engkuwentro sa Bgy. Bangan, dakong 4:45 ng hapon nitong Linggo.
Namatay si Pascual sa bakbakan.
Narekober naman ng rumespondeng mga tauhan ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ang isang P500 bill, 12 piraso ng tig-P1,000 bill, at limang tig-P500 boodle money; isang PNP-issued Beretta pistol, mga magazine, at mga bala, isang basyong bala, at apat na heat-sealed na plastic sachet na may hinihinalang shabu.
Nabatid na may transaksiyon umano si Pascual ng ilegal na droga hanggang sa mga bayan ng Aparri at Buguey sa Cagayan at sa mga kalapit pang bayan ng lalawigan.