Ni: Franco G. Regala, Light A. Nolasco, at Mike U. Crismundo

CITY OF SAN FERNANDO, Pampanga – Tatlumpung trabahador sa mga poultry farm sa Nueva Ecija na nagpositibo sa bird flu virus kamakailan ang na-isolate at isinasailalim ngayon sa monitoring ng Department of Health (DoH)-Region 3 para tiyaking hindi nahawahan ng virus ang mga ito.

Kinumpirma ng DoH-Region 3 na naka-isolate ngayon ang 25 farm worker mula sa bayan ng San Isidro at lima mula sa Jaen dahil sa pagkakaroon ng sintomas ng trangkaso, gaya ng ubo at sipon.

Sinimulan na rin ang pagsusuri sa mga specimen mula sa mga trabahador upang matiyak na wala silang bird flu virus.

Probinsya

Centennial bust ni NA F. Sionil Jose, inilantad sa publiko

STATE OF CALAMITY

Isinailalim na sa state of calamity ang magkatabing bayan ng Jaen at San Isidro makaraang kumpirmahin ni Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol ang presensiya ng Avian o bird flu virus sa mga manukan, poultry at pugo farms sa mga nabanggit na lugar.

Kaugnay nito, nagdeklara na ng state of calamity si Nueva Ecija Gov. Czarina Cherry Domingo Umali sa lalawigan sa rekomendasyon ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC).

Sinimulan nitong Sabado ng gabi ang culling o pagpatay sa may 70,000 chicken layers mula sa dalawang poultry farm sa Barangay San Roque, San Isidro; at 100,000 pugo sa Bgy. Imbunia sa Jaen, at inaasahang makukumpleto ang culling hanggang ngayong Martes.

Ayon kay Jaen Mayor Sylvia Austria, binigyan ng kaukulang bakuna at protective gear ang may 50 sundalo na katuwang ng mga taga-Bureau of Animal Industry (BAI) na nagsasagawa ng culling.

Nabatid din kay Nueva Ecija Police Provincial Office director Senior Supt. Antonio C. Yarra na mahigpit ang pagpapatupad ng pulisya ng checkpoint sa may 17 barangay na saklaw ng quarantine zones.

WALANG SINTOMAS

Samantala, bahagyang napawi ang pag-aalala ng halos kalahating milyong taga-Butuan City sa Agusan del Norte makaraang sabihin ng DA na batay sa resulta ng paunang imbestigasyon ng kagawaran ay malaki ang posibilidad na “lack of oxygen” ang ikinamatay ng 15 pato sa Purok 3-A sa Bgy. Holy Redeemer nitong Sabado.

“The deaths of 15 ducks in said area has already been investigated,” saad sa pahayag ng DA-Caraga nitong Linggo ng hapon. “Personnel from the DA’s Regional Animal Disease Diagnostic Laboratory (DA-RADDL) headed by Chief Veterinarian Esther B. Cardeno quickly responded and went to the area and conducted thorough investigation and further advised the owner on what to do to prevent further deaths of their ducks.”

Batay sa initial diagnosis ng DA-RADDL, namatay ang mga pato dahil sa “lack of oxygen” dahil masyadong masikip ang lugar para sa umano’y napakaraming pato bukod pa sa kakulangan sa tubig.

Gayunman, nais pa ring makatiyak ng DA-CARAGA na hindi bird flu virus ang ikinamatay ng mga nasabing pato: “Signs of death is far from the symptoms that could point to avian influenza but further test shall be conducted by the DA to rule out the exact cause of its death.”