Ni: Mary Ann Santiago
Isang 22-anyos na babae ang nagpatiwakal sa pagbibigti sa loob ng construction barracks ng isang pampublikong high school matapos na makipagtalo sa kanyang kinakasama sa Tondo, Maynila nitong Linggo.
Ayon kay SPO3 Jonathan Bautista, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 10:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ni Jessa Mae Perrin, huling nanirahan sa Caloocan City Medical Center, sa loob ng construction barracks ng Tondo High School.
Sa imbestigasyon ni Bautista, nabatid na dakong 9:00 ng umaga nang dumating sa naturang paaralan si Perrin, kung saan nagtatrabaho bilang timekeeper ang kanyang live-in partner na si Arnel Pol, 24 anyos.
Matapos ang isang oras ay dumating na si Pol, karga ang kanilang apat na buwang anak na babae, dahil sinabihan ito ni William Isaga, 39, guwardiya ng paaralan, na nasa loob ng construction barracks si Perrin.
Gayun na lamang ang gulat ni Pol nang makitang nakabigti ang kinakasama sa barracks, gamit ang isang itim na electric extension cord.
Kaagad namang humingi ng tulong si Pol kay Isaga at isinugod sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center ang kinakasama ngunit idineklara na itong patay ng mga doktor.
Lumitaw sa pagsisiyasat ng mga awtoridad na bago nag-suicide ay nagtalo sina Perrin at Pol hinggil sa bisyo umano ng lalaki na paglalasing at madalas na paglabas kasama ang mga kaibigan.
Ito ngayon ang tinitingnan ng mga awtoridad na posibleng dahilan ng suicide, bagamat nagpapatuloy ang imbestigasyon.