Inamin ni Pangulong Duterte na nainsulto siya sa naging komento ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III na mistulang wala namang nagbago mahigit isang taon makaraang ilunsad ang kampanya ng administrasyon kontra droga.
Muling binanggit ni Duterte ang tungkol sa usapin ilang araw makaraan niyang murahin si Aquino sa aniya’y hindi pagseryoso sa problema ng bansa sa droga.
Sa kanyang pagbabalik sa Marawi City nitong Biyernes, sinabi ni Duterte na ikinonsidera sana ng dating Presidente ang dami ng mga pulis at sundalo na nagbuwis ng buhay maipatupad lang ang drug war.
“You must remember that what precipitated, what started the fight there was an operation against a drug personality. So, tapos i-belittle mo na walang nangyari? Masakit naman ‘yan,” ani Duterte.
Giit ng Pangulo, sa loob lamang ng isang taon niya sa puwesto ay nahigitan na niya ang napagtagumpayan ni Aquino sa buong anim na taon ng administrasyon nito, sa pagsugpo sa ilegal na droga.
“The entire six years niya they’re able to get 4.83 billion [kilos]. Sa one year ko, I confiscated or seized 18.52 billion [kilos],” sabi ni Pangulong Duterte.
“Kaya naiinsulto ako. Marami akong namatay (na tauhan) pero marami rin akong nakuha (nakumpiska), but at the cost of the lives of my soldiers and police. Kaya ang sagot ko medyo balabag,” paliwanag pa ng Presidente.
Nitong Martes, kinuwestiyon ni Aquino ang pagiging epektibo ng kontrobersiyal na drug war ni Duterte, sinabing mistulang wala namang nagbago kung pagbabatayan ang estadistika ng mga adik ngayon at noong panahon niya.
“Ang sasabihin ko lang, nung kami 1.8 million [users]. Tapos sa isang taon nito na may all-out na kampanya laban sa drugs, 1.8 million pa rin ang sinasabi ng survey, at survey na nila ‘yan,” sabi ni Aquino. “Parang wala yatang nangyari. Maganda sanang [mai]paliwanag ‘yung bakit parehong-pareho ‘yung mga numero.” - Argyll Cyrus B. Geducos