Ni: Mary Ann Santiago
Isang lalaki na hinihinalang holdaper ang bumulagta nang makipagbarilan sa mga pulis sa Ermita, Maynila kamakalawa.
Ilang bala sa katawan ang ikinamatay ni Jinggoy Baholo, 26, ng Plaza Lawton, sa Ermita.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), naganap ang engkuwentro sa harap ng Metropolitan Theater sa P. Burgos Street, dakong 10:15 ng gabi.
Una rito, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Lawton Police Community Precinct (PCP), na sakop ng MPD- Station 5, hinggil sa insidente ng holdapan na kinasasangkutan ni Baholo.
Sa pagresponde ng awtoridad, nagpaputok ng sumpak si Baholo kaya napilitang gumanti ang mga pulis at bumulagta ang suspek.