Ni: Mary Ann Santiago
Natuluyan sa pamamahinga ang isang tindero, na dating sangkot sa ilegal na droga, matapos pagbabarilin ng dalawang armado sa Pasig City, kamakalawa ng gabi.
Patay na nang isugod sa Alfonso Hospital si Joel Cruz, 43, ng 182 B Dr. Sixto Antonio Avenue sa Barangay Rosario, dahil sa mga tama ng bala sa katawan.
Sa ulat ni SPO1 Eduardo Pablo, ng Pasig City Police, na ipinarating sa tanggapan ni Eastern Police District (EPD) Director Police Chief Supt. Romulo Sapitula, nagpapahinga ang biktima sa loob ng kanyang bahay nang pasukin ng mga hindi pa nakikilalang suspek at pinaulanan ng bala, dakong 11:00 ng gabi.
Tinututukan na ngayon ng awtoridad ang anggulo ng ilegal na droga makaraang aminin ng anak ng biktima na dati itong sangkot sa droga.