Ni REGGEE BONOAN

NAGLULUKSA ang industriya ng showbiz sa pagkawala ng isa sa maimpluwensiyang entertainment columnist at talent manager na si Tito Alfie Lorenzo sa edad na 78 kahapon, Agosto 1, 2:14 ng madaling araw.

aLFIE copy

Ayon sa kuwentong nakuha namin, inatake sa puso si Tito A (tawag sa kanya sa showbiz) habang nasa Solaire Resorts and Casino na paborito niyang tambayan.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

Isinugod siya sa San Juan de Dios Hospital sa Pasay City pero hindi na siya na-revive.

Si Tito A ang naging manager ng magkapatid na Jeffrey at Judy Ann Santos, Liberty Boys, Sunshine Cruz, at maraming iba pa.

Nagsimulang i-manage ni Tito Alfie si Judy Ann sa sa edad na 17, panahon ng Mara-Clara at nagkahiwalay sila bilang talent at manager noong Oktubre 2016.

Away-bati ang naging samahan nina Tito Alfie at Juday, pero hindi pa rin basta-basta bumitaw ang huli sa kanyang manager dahil tumatanaw siya ng utang na loob. Si Tito Alfie ay halos naging ikalawang ama niya at napakalaki ng naitulong nito sa showbiz career niya.

Katunayan, kahit nagkahiwalay na ang dalawa ay hindi pa rin pinabayaan ng aktres ang manager niya. Hanggang sa huling sandali ay si Juday ang nag-asikaso kay Tito A. Alam sa buong industriya na si Juday ang nag-aasikaso sa mga labi ni Tito A.

As of this writing ay sa Arlington Memorial Chapel, Araneta Avenue nakaburol si Tito Alfie hanggang Huwebes dahil iuuwi siya sa Porac, Pampanga. Sa naturang bayan siya ililibing, sa tabi ng puntod ng kanyang mama.

Sa pamilya ni Tito Alfie Lorenzo, ang taos sa pusong pakikiramay mula sa amin dito sa Balita.