Ni: Ric Valmonte

“ANONG pakialam niya?” Sabi ni Ombudsman Conchita Carpio Morales. Aniya, ang opisina niya ay may kapangyarihan sa ilalim ng batas upang obligahin ang mga law enforcer na makipagtulungan sa kanilang mga imbestigasyon o sagutin ang paratang. “Bahala sila,” wika niya, “kung ayaw nilang sumagot o kaya naniniwala silang kailangan pa ang pahintulot ng Pangulo para gawin ito.” Kung ayaw umanong sumagot ng mga law enforcer at may probable cause, isasampa niya ang kaso sa korte. Kung wala naman daw, idi-dismiss niya ito. Ito ang normal na patakaran ng batas, sabi pa niya.

Reaksiyon ito ni Ombudsman Morales sa naging pahayag ni Pangulong Duterte sa press conference pagkatapos ng kanyang State of the Nation Address. Binalaan niya ang Ombudsman na huwag nitong iko-contempt ang mga pulis na ayaw dumalo sa pagdinig dahil siya raw ang magsasabi kung sila ay dadalo o hindi. “Kaya, ipadaan ninyo muna sa akin ang nais ninyong sa mga pulis,” wika ng Pangulo, “at huwag ninyo akong piliting magkalaban tayo.” Binantaan niya ang Ombudsman at ang Commission on Human Rights (CHR) na kanya itong bubuwagin.

Maaaring hyperbole na naman itong winika niyang bubuwagin ang Ombudsman at CHR. Unang-una, hindi naman nagpaparusa ng contempt ang Ombudsman kung ayaw mong siputin ang pagdinig ng iyong kaso. Gaya ng tinuran ni Morales, puwede namang daluhan o hindi ng inireklamo ang hearing ng kanyang kaso. Kaya lang, kapag hindi siya dumalo ipagkakahulugan itong ipinauubaya na niyang pagpasiyahan ito ng wala ang kanyang kontra-ebidensiya. Ikalawa, abogado ang Pangulo at alam niyang hindi niya, sa kanyang sarili o sa tulong ng kahit sino, mabubuwag ang Ombudsman at ang CHR. Maliban na lang kung sa Constitutional Convention o Constitutional Assembly na nais niyang mangyari ay lalakarin niyang sa pagbabago ng Saligang Batas, alisin na ang dalawang ahensiyang ito. Kasi, sa 1987 Constitution, batay sa naging mapait na karanasan ng mamamayan sa martial law ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, inilagay nila rito ang Ombudsman at ang CHR para sa kanilang kapakanan: ang Ombudsman, para may pagdulugan sila ng kaso laban sa mga tiwaling opisyal ng gobyerno at ang CHR, laban sa abuso sa kanilang karapatang pantao.

Night Owl

Bakit Dapat Tumanggi ang Pilipinas sa Online na Pagboto

Kaya, mahirap tanggapin iyong binu-bully ang Ombudsman at ang CHR. Dahil kagagawan ang mga ito ng taumbayan, para mo na rin silang binu-bully. Kung mayroong dapat magpatapang sa dalawang ahensiyang ito sa pagtupad ng kanilang tungkulin ay walang iba kundi ang Pangulo. Kasi sa pagganap nila ng tungkulin, natutulungan nila ang Pangulo na mapatino ang gobyerno. Hindi sila kalaban ng Pangulo, protektor sila ng taumbayan. Sila ay para sa malinis at makataong pamahalaan.