Ni Camcer Ordoñez Imam

CAGAYAN DE ORO CITY – Kahit may pagbabanta sa buhay, may sariling anti-illegal drug policy ang pinaslang na si Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog, Sr., taliwas sa alegasyong isa siyang drug lord, ayon sa ilan niyang kamag-anak.

Napatay si Parojinog nitong Linggo ng madaling araw, gayundin ang kanyang misis, nakababatang kapatid na board member at 12 iba pa, sa loob ng kanilang bahay sa serye ng pagsalakay ng awtoridad sa Barangay San Roque.

Ayon sa mga kamag-anak ng alkalde na pawang tumangging pangalanan, isang anti-drug crusader ang alkalde at nakikipagtulungan sa administrasyong Duterte sa kampanya kontra droga.

'Mauubos lang ang oras ko:' Leila De Lima, iisnabin na lang mga basher

Kaya naman hindi sila makapaniwala na pinatay si Aldong.

“We were shocked. We could not believe it,” ayon sa isang kaanak na malapit sa alkalde.

“I knew Aldong personally and I am certain that he was not what he was accused of,” sabi naman ng isa pang kaanak.

Kuwento pa nila, walang pinaliligtas ang alkalde sa mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, maging ang sariling pamilya nito.

“If he found out you are using or selling shabu, you will get a mouthful from him,” ayon sa kamag-anak nito.

Sinabi pa nila na alam ni Mayor Aldong na papatayin ito.

“He (Parojinog) knew that he would be killed. It’s no secret to him,” ayon sa kamag-anak.

Sa mga nakaraang panayam, sinabi ni Parojinog na naglunsad siya ng sarili niyang anti-drug campaign sa Ozamiz, bago pa man isulong ni Pangulong Duterte ang drug war.

Base sa mga ulat, nakakumpiska umano ang mga pulis ng P1.4 milyon cash, 500 gramo ng hinihinalang ilegal na droga, dalawang cell phone, at isang M16 rifle sa loob ng bahay ng alkalde.