Ni: Ric Valmonte
MAHIGIT na tatlong trilyong piso ang budget na nilagdaan ni Pangulong Duterte para sa taong 2018. Ayon kay Budget Secretary Benjamin Diokno, ang may malalaking bahagi dito ay ang edukasyon, public works at national defense. Ang inaasahan ng Pangulo na magpopondo sa napakalaking halaga ng budget ay ang comprehensive tax reform package na hiniling niya sa Kongreso na ipasa sa kabuuan nito. Nakalusot na ito sa Kamara, subalit nakabinbin pa ito sa Senado.
Ang balak ng Senado ay magtipon ito bilang isang komite upang makapagtanong ang lahat ng Senador sa mga economic manager ng administrasyon na nagsusulong sa panukala. Kaya naaantala ang aksyon ng Senado sa panukala dahil hindi gusto ni Sen. Sonny Angara, ang Chairman ng Committee on Ways and Means, na palusutin ang mga karagdagang buwis sa kabuuan ng mga ito.
Ayon kay Sen. Ping Lacson, naiintindihan nilang mga kapwa Senador ang sitwasyon ni Angara dahil ito ang magpiprisinta sa Senate version ng tax bill. Eh, baka magaya raw ito kay Sen. Ralph Recto nang matalo noon sa re-election dahil tinulungan ang administrasyong Arroyo na maipasa ang value added tax bill nito na ikinagalit ng taumbayan.
Talagang magagalit ang mamamayan kapag inisponsor ni Angara at idinepensa ang panibagong buwis na ninanais ni Pangulong Digong. Dahil para ikampanya siya sa halalan sa 2018, malamang na manganib ang kanyang kandidatura.
Kasi, sabi ni Sen. Tito Sotto, ang halaga ng pakikinabangan sa comprehensive tax reform package ay P140 bilyon. Pero, ang halaga naman daw ng karagdagang buwis na ipapataw ay P900 bilyon.
Ang mabibiyayaan lang sa panukala ay iyong mga individual taxpayer na kumikita ng P200,000 hanggang P300,000 sa isang taon dahil hindi na bubuwisan ang mga ito. Ang kapalit naman ng mawawala sa kaban ng bayan, dahil libre na nga sa buwis ang nasabing kita ng mga taxpayer, ay ang salaping magbubuhat sa mga karagdagang buwis na ipapataw sa mga produkto. Ang uri ng mga buwis na ito, tulad ng value added tax at excise tax, ay magiging bahagi ng presyo ng mga produktong bubuwisan. Kapag bumili ka ng mga produktong ito, ikaw ay nagbayad na ng buwis. Kaya, ayaw ni Angara ang kabuuan ng comprehensive tax reform package ay dahil magdudulot ito ng inflation.
Ang ilan sa mga nabanggit nang papatawan ng karagdagang buwis ay ang mga produkto ng langis at lahat ng gumagamit ng matamis. Anim na porsiyento na naman ng value added tax ang sisingilin sa mga produkto ng langis tulad ng gasolina at krudo. Eh, ang 40 porsiyento ng enerhiya ng bansa ay galing sa langis. Ito ang nagpapaandar sa mga industriya at transportasyon. Tataas na naman ang presyo ng kuryente, tubig, pasahe at presyo ng mga bilihin na may matamis.
Ipinangangalandakan ni Diokno na ang budget ay nilikha para gastusan ang pangangailangan ng mga dukha. Pero, ang pagmumulan naman ng salaping gagamitin para rito ay manggagaling din sa mga dukha. Sila ang ultimong papasan sa mga karagadang buwis. Hindi sila tulad ng mga negosyante, doktor o abogado na naipapasa sa iba ang mga buwis na ito.
Gasino lang ba na taasan nila ang presyo ng kanilang mga produkto at serbisyo? Palulubhain lamang ang matinding kahirapan ngayon ng comprehensive tax reform package ni Pangulong Digong.