Nina BETH CAMIA, MARY ANN SANTIAGO, at ROMMEL TABBAD, May ulat nina Jun Fabon at Leonel Abasola

Dahil sa maghapon at matinding buhos ng ulan kahapon, inihayag ng Malacañang na inaprubahan ni Executive Secretary Salvador Medialdea ang rekomendasyong suspendihin ang trabaho sa lahat ng tanggapan ng gobyerno at ang klase sa mga pampublikong paaralan sa Metro Manila kahapon.

Sinabi ni Presidential Spokesman Ernesto Abella na epektibo 1:00 ng hapon ay sinuspinde na ang trabaho sa gobyerno at klase sa lahat ng pampublikong paaralan sa Metro Manila.

Ayon kay Abella, desisyon naman ng mga pribadong tanggapan at eskuwelahan kung magsususpinde rin ng trabaho at klase.

Romualdez, nanawagan sa Kamara: 'Let us reject baseless accusations!'

Nauna rito, madaling araw pa lang kahapon ay nagkansela na ng klase ang mga lokal na pamahalaan sa halos buong Metro Manila at sa ilang kalapit na lalawigan dahil sa malakas na ulan at baha na dulot ng bagyong ‘Gorio’, na nagpaigting sa hanging habagat.

Ayon sa Department of Education (DepEd), ilan sa mga lokal na opisyal ay nagkansela ng klase nitong Miyerkules ng gabi pa lamang.

Sa Metro Manila, kaagad na nagkansela ng klase ang Maynila, Mandaluyong, San Juan, Marikina, Muntinlupa, Valenzuela, Caloocan, Navotas, Malabon, Pasay, Pateros, Las Piñas, Parañaque, at Taguig.

TRENDING SI VICE

Nag-trending naman sa social media ang hindi pagsuspinde ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte sa klase sa lungsod, at ipinaliwanag ng bise alkalde na hindi nito sinuspinde ang klase dahil ang taya ng awtoridad ay makararanas lang ng “light to moderate” na pag-ulan ang siyudad.

Dahil dito, umani ng instant bashers sa social media si Belmonte, na kalaunan ay sinuspinde rin ang klase sa siyudad.

Naka-red alert naman ang Roxas District sa Quezon City dahil sa patuloy na pagtaas ng baha roon, na umabot kahapon sa hanggang leeg.

Kanselado rin ang ilang klase sa Calabarzon, Region 3, at sa Pangasinan sa Region 1.

IDIREKTA SA TELCOS

Kaugnay nito, nais ni Senate President Pro Tempore Ralph Recto na alisin sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang pag-aanunsiyo ng mga kalamidad, at idiretso na lang ito mga telecommunication company (telco).

Ayon kay Recto, mula sa babala ng PAGASA at Philippine Institute of Volcanology and Seismology ay ipadadala muna ito sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) bago ipapasa sa telcos.

‘GORIO’ LUMAKAS PA

Lumakas pa kahapon ang Gorio at pinaigting din ang habagat na nagdulot ng malakas na pag-ulan sa kanlurang Luzon, kabilang ang Metro Manila hanggang sa weekend.

Sa huling update dakong 5:00 ng hapon kahapon, tinaya ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang bagyo sa 585 kilometro sa silangan-hilaga-silangan ng Casiguran, Aurora.

Lumakas pa ang hangin nito sa 90 kilometers per hour (kph), at bugsong 115 kph, habang isinailalim naman sa Signal No. 1 ang Batanes.

Samantala, isa pang low pressure area (LPA) sa kanluran ng Luzon ang posibleng maging bagyo, at tatawaging “Huaning”.