Ni: Bella Gamotea
Dead on the spot ang isa umanong kilabot na tulak ng ilegal na droga makaraang makipagbarilan sa mga pulis sa buy-bust operation sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Ilang tama ng bala sa katawan ang ikinamatay ni Julius Umali, nasa hustong gulang, ng Barangay South Cembo, Makati City.
Inaalam na ng awtoridad ang pagkakakilanlan ng kanyang kasama na tumakas sakay sa motorsiklong walang plaka.
Sa pagsisiyasat ni SPO2 Jayson David at PO2 John Carlo Garcia, ng Homicide Section ng Makati City Police, naganap ang insidente sa J.P. Rizal Extension, Bgy. South Cembo, dakong 3:45 ng madaling araw.
Nagpanggap na buyer ng shabu ang isang pulis at bumili ng dalawang pakete, na nagkakahalaga ng P500, sa suspek at kasamahan nito.
Sa gitna ng transaksiyon, nakahalata umano si Umali na pulis ang kanyang katransaksiyon at bumunot ito ng baril at pinaputukan ang huli na masuwerteng hindi tinamaan.
Dito na kumilos ang mga nakaantabay na awtoridad na naging sanhi ng pagbulagta ni Umali, habang humarurot naman ang kanyang kasama.
Narekober sa wallet ng suspek ang ilang pakete ng hinihinalang shabu at mga basyo ng bala sa pinangyarihan.