Ni REGGEE BONOAN
NATATAWA kami sa pagkukumpara kina Coco Martin at Daniel Padilla kung sino sa kanila ang dapat tanghaling Primetime King dahil hindi nagkakalayo ang ratings ng serye nilang FPJ’s Ang Probinsyano at La Luna Sangre sa Dos.
Sa isang item sa PEP, ilang beses nagtabla sa ratings game ang programa nina Coco at Daniel, pero mas madalas na lamang ng ilang puntos ang Probinsyano samantalang nakakatatlong beses pa lang ang La Luna Sangre simula nang umere ito.
Natatawa kami dahil parehong Kapamilya actors ang pinagkukumpara, wala na yata talagang puwedeng itapat sa kanila sa GMA-7.
Ang mga programang Mulawin vs Ravena at My Love From The Star ay hindi man lang nakapuntos sa Ang Probinsyano at La Luna Sangre.
Patapos na ang Pinoy version ng koreanovela ng GMA 7 at may bali-balita namang malapit na ring magtapos ang serye tungkol sa mga taong-ibon?
Nagkatotoo yata ang nasulat namin na hindi maiilagan ng mga taong-ibon ang mga bala ni Cardo Dalisay habang nakikipaglaban sa mga rebelde sa pangunguna ni Lito Lapid.
Tutok na tutok ang loyalistang viewers ng Ang Probinsyano lalo na ngayong hindi alam ni Cardo na sina Sid Lucero at John Arcilla ay lihim niyang kaaway na gustong pumatay kay Angel Aquino.
Sa La Luna Sangre naman ay inaabangan ang fighting scenes ni Tristan (Daniel) kasama ang ibang moonchasers at ang lider nilang si Professor T (Albert Martinez). At siyempre si Malia (Kathryn Bernardo) na kamukha na raw ngayon ni Jake Zyrus (Charice Pempengco) simula nang magpaikli ng buhok.
In fairness, ang galing-galing ni Daniel sa fight scenes at bagay talaga siyang maging action star. Hindi lang siya pang-rom-com, puwede na ring bigyan ng action film project.