Ni: Vanne Elaine P. Terrazola at Jun Fabon
Labing-anim na katao ang inaresto sa loob ng isang bahay sa Quezon City na naiulat na nagsisilbing drug den kamakalawa.
Nagsagawa ng buy-bust operation ang anti-drug police sa umano’y drug den sa Agham Road, Barangay Bagong Pag-asa, bandang 4:00 ng hapon.
Target ng operasyon sina Judy Ebahan, alyas Boy, 59, at Erwin Castro, na kapwa hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa lugar.
Sinabi ng awtoridad na nakipagtransaksiyon sila sa dalawa at bumili ng P500 halaga ng shabu.
Sa kasagsagan ng operasyon, nasilayan ng mga pulis ang 11 lalaki at tatlong babae na pawang bumabatak.
Kinilala ang mga ito na sina Juvelyn Tubal, 26; Ronaldo Mesias, 33; Vergel Riazo, 22; Mark Yamid, 24; Cherry Asero, 32; Roberto Gabanzo, 43; Rommel Subaan, 37; Gessierie Onate, 26; Jonathan Placio, 32; Michael Panugan, 29; Mark Bondaje, 31; Jacinto Yutiga, 56; Junel del Monte, 32; at Juliet Casaje, 19.
Matapos ang transaksiyon, agad dinamba ng awtoridad ang mga suspek at nakuha ang 10 pakete ng umano’y shabu.
Nakumpiska rin ang iba’t ibang drug paraphernalia.
Sinampahan ang mga suspek ng paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at ikinulong sa Masambong Police Station.