NI: Fr. Anton Pascual

MGA kapanalig, ayon sa Department of Health (DoH), aabot sa 16 na milyong Pilipino ang naninigarilyo noong 2015, mas mababa ng dalawang milyon kumpara noong 2009. Nakatulong umano ang paglalagay ng mga larawan, na kinatatampukan ng iba’t ibang sakit na idinudulot ng paninigarilyo, sa bawat pakete ng sigarilyo. Ngayong ipatutupad na ang nationwide smoking ban, umaasa ang DoH na mas bababa pa ang bilang mga Pilipinong naninigarilyo.

Isa sa mga pangako ni Pangulong Duterte noong kampanya na ipatutupad niya ang smoking ban. Marami ang umaasa na ang tagumpay ng smoking ban sa Davao City ay mangyayari rin sa buong Pilipinas. Kaya noong Mayo, nilagdaan niya ang Executive Order 26 na nagbabawal manigarilyo sa mga pampublikong lugar at naglalatag ng mga pamantayan para sa pagtatayo o pagtatalaga ng mga designated smoking area. Ipagbabawal ng EO 26 ang paglalagay ng mga designated smoking areas sa mga paaralan at unibersidad, mga ospital at pagamutan, at gasolinahan. Hindi rin magtatayo ng designated smoking area malapit sa mga hagdanan at elevator kung saan maraming taong dumaraan. Pinagbabawalan na rin ang mga menor de edad na gumamit, bumili o magtinda ng sigarilyo. Wala ring magbebenta ng sigarilyo sa layong 100 metro mula sa mga lugar na madalas puntahan ng mga kabataan.

At sa darating na Linggo, Hulyo 23, o 60 araw mula nang ilathala sa mga pahayagan ang EO 26, ipatutupad na ang nationwide smoking ban.

Maganda ang layunin ng smoking ban, lalo na sa mga kabataan. Ano nga ba ang nakukuha natin sa paghithit at paglanghap ng usok ng sigarilyo, kundi sakit sa baga? Ngunit gaya ng anumang bisyong nakakaadik, nauunawaan natin ang mga naninigarilyo kung mahihirapan silang bitawan ang gawaing nakasanayan nila sa loob ng mahabang panahon. Kasabay ng pagpapatupad ng national smoking ban, paalala tungkol sa maayos na pangangalaga sa katawan ang tangi nating maibibigay sa mga kababayan nating naninigarilyo.

Noong 2014, naglabas ang CBCP ng isang pahayag na pinamagatang “Easter Pastoral Introduction on Stewardship of Health”. Kalakip nito ang paalalang iwasan ang mga bisyong inilalagay sa panganib ang ating kalusugan at buhay, kabilang na nga rito ang paninigarilyo. Sabi pa ng mga obispo, sisidlan ang ating pisikal na katawan hindi lamang ng ating kaluluwa kundi pati ng lahat ng mahalagang aspeto ng ating buhay, mga taong nilikhang kawangis ng ating Diyos.

Samakatuwid, isang espirituwal na tungkulin ang alagaan ang kalusugan, at tinatalikuran natin ang tungkuling ito kung inaabuso natin ang ating katawan sa pamamagitan ng mga bisyo. Kaya naman, mahalagang linangin ang katangian ng pagtitimpi—o temperance, sa Ingles—upang maiwasan natin ang anumang kalabisang dala ng mga bisyong nakasisira sa ating kalusugan.

Sabi pa ni Pope Francis sa kanyang encyclical na Laudato Si’, ang pangangalaga sa ating katawan—kasabay ng paggalang sa halaga nito—ay bahagi ng pagtanggap natin sa ating katawan, na mahalagang bahagi naman ng tinatawag nating human ecology, ang ugnayan ng tao sa kanyang kapaligiran. Sa madaling salita, maaapektuhan ang ugnayan natin sa ating paligid—sa kalikasan man o sa kapaligirang likha ng mga tao—kung pinapabayaan natin ang ating katawan. Halimbawa, kung patuloy ang ating paninigarilyo saanman natin gustuhin, inilalagay natin sa alanganin ang kalusugan ng ating kapwa na para na rin natin silang itinataboy.

Mapanghamon ang bagong patakarang ito ng ating pamahalaan. Ngunit sa halip na takot sa multa o parusa, nawa’y ang kalusugan natin at ng ating kapwa at ng kapaligiran ang magtulak sa atin na makipagtulungan sa pamahalaan sa pagpapatupad ng nationwide smoking ban.

Sumainyo ang katotohanan.