Ni: Bella Gamotea
Pinaaalalahanan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta dahil sa inaasahang mas matinding traffic malapit sa Batasan Complex sa Quezon City, bago at sa mismong araw ng State-of-the-Nation Address (SONA) ni Pangulong Duterte sa Lunes, Hulyo 24.
Sa abiso ng MMDA, magiging masikip ang trapiko sa Commonwealth Avenue, LITEX at Batasan Complex subalit may mga alternatibong ruta para sa mga motorista.
Ang mga patungong northbound lane ay pinakakanan sa Congressional Avenue, diretso sa Mindanao Avenue, kanan sa Old Sauyo Road bago muling lalabas sa Commonwealth Avenue.
Para sa mga magmumula sa Quezon Avenue, maaaring dumaan sa North Avenue, dumiretso sa Mindanao Avenue at lumabas sa Commonwealth paglampas ng Fairlane Street.
Sa mga manggagaling sa Commonwealth papuntang southbound lane, kumanan sa Fairlane St., kanan sa Dahlia, lumabas sa Old Sauyo Road bago pumasok sa Mindanao Avenue, at lumabas sa EDSA.
Ang mga galing sa SM Fairview at Robinson patungong Quirino Highway ay pinadidiretso palabas sa Mindanao Avenue.
Para sa mga magmumula sa Fairview at Mindanao Avenue, kumanan sa Jordan Plains, dumiretso sa Quirino Highway at lumabas sa Mindanao Avenue.
Simula 12:00 ng tanghali sa Lunes ay isasara sa motorista ang ilang bahagi ng IBP Road dahil dito dadaan ang mga mambabatas, VIP, at iba pang dadalo sa SONA.