Ni: Genalyn D. Kabiling at Argyll Cyrus B. Geducos

Magprotesta kayo hanggang gusto ninyo sa Lunes pero huwag kayong lalabag sa batas.

Tanggap ni Pangulong Duterte ang planong kilos protesta sa kanyang State-of-the-Nation Address (SONA) pero ipinaalala niya sa mga magpoprotesta na kailangan nilang panatilihing payapa at maayos ang lahat.

Sinabi ng Pangulo na inirerespeto niya ang karapatan ng lahat ng tao sa malayang pagpapahayag at kalayaan sa pagtitipon.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

“This is a democracy. I’m exponent of freedom to air your grievance. You are free to do anything you want there. Just don’t break the law and don’t impede the flow of traffic,” sabi niya sa isang state media interview nitong Huwebes.

“Pero magmura ka na doon o ano gusto mo, it’s your right and we will not interfere in that exercise of that right,” sabi niya sa video na ipinost ni Presidential Communications Assistant Secretary Margaux Uson sa Facebook.

Umaabot sa 10,000-15,000 katao ang inaasahang magsasagawa ng rally sa malapit sa Batasan Pambansa sa Quezon City sa ikalawang SONA ng Pangulo sa Lunes.

Magtatalaga ang PNP ng 6,000 anti-riot policemen na magbabantay sa Batasan complex.

Kaugnay nito, sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang maging diretsahan ang speech para sa kanyang SONA.

Sinabi ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar na nagsimula nang mag-ensayo si Duterte ng kanyang speech nitong Huwebes, at nagpahayag ang Pangulo na ayaw niya itong lumampas ng 50 minuto.

Sinabi ni Andanar na imbitado ang pamilya ni Duterte para saksihan ang SONA ng Pangulo. Gayunpaman, tanging si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio pa lang ang nagkukumpirmang darating.

Inimbitahan din si dating Pangulong Benigno Aquino III para dumalo sa SONA pero nagpahayag na itong hindi makakadalo.

Ayon kay Andanar, ang mga nagkumpirma nang darating ay si Vice President Leni Robredo, at ang mga dating pangulo na sina Fidel Ramos at Gloria Macapagal Arroyo.