Ni: Nestor L. Abrematea
ORMOC CITY – Nagpahayag ng pagkabahala ang mga awtoridad sa Ormoc City dahil isa-isa nang nagkakasakit ang mga lumikas mula sa iba’t ibang barangay sa siyudad na napinsala sa 6.5 magnitude na lindol sa Leyte dalawa linggo na ang nakalilipas.
Ayon kay City Social Welfare and Development Officer Delia D. Corbo, nababahala sila sa pagkakasakit ng evacuees sa iba’t ibang evacuation camp sa lungsod.

Aniya, nagkakasakit ang evacuees dahil sa kawalan ng malinis na tubig, dahil napinsala ng lindol ang pinagkukuhanan nila nito.
Sinabi ni Corbo na kailangan ngayon ng evacuees ng malinis na inuming tubig at mga gamot.
Dagdag pa niya, karamihan sa nagkakasakit sa mga evacuation center ay mga bata, kabilang na ang mga nakatira sa mga temporary tent.
Bagamat wala pang ulat ng pagkasawi sa hanay ng evacuees, sinabi ni Corbo na nabibigyan naman ng kinakailangang gamutan ang mga nagkakasakit na residente, dahil ilan sa mga ito ay nakatuloy sa tabi lamang ng Ormoc City Health Office.
Ayon kay Corbo, kailangan nila ng mas marami pang malinis na inuming tubig, mga portalet, mga tent, at mga gamot para sa evacuees.
Bagamat naibibigay ang lahat ng pangangailangan ng evacuees, sinabi ni Ormoc City Mayor Richard Gomez na tumatanggap ang pamahalaang lungsod ng mga donasyon mula sa iba’t ibang sektor.
Mga residente sa 13 kabundukang barangay sa Ormoc ang inilikas sa city proper, at 2,204 na katao ang pinagbawalan nang bumalik sa kani-kanilang bahay dahil sa pagbibitak ng mga ito, at sa nakaambang peligro sa kanilang buhay, ayon sa CSWDO.